(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGLAHO na parang bula ang tinatayang P95 bilyon kita ng mga magsasaka sa buong bansa dahil sa Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication and Liberalization Law.
Ito ang nabatid sa mga militanteng mambabatas na nagpapaimbestiga kung bakit nadedelay ang irrigation projects ng National Irrigation Administration (NIA) at maging umano’y mga depektibo at hindi nagagamit na makinarya na binili ng Department of Agriculture (DA) para tulungan ang mga magsasaka.
Sa House Resolution (HR) 539 na iniakda nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, sinabi ng mga ito na simula nang ipatupad ang nasabing batas noong Marso 2019 ay umaabot na sa P95 bilyon ang kita ng mga magsasaka ang nawala sa kanila.
Ito ay matapos bumaba sa P9 hanggang P12 kada kilo na lamang ang presyo ng palay mula sa P20 pataas bago naipatupad ang nasabing batas na ginamit naman ng mga rice importers para mag-angkat ng mag-angkat ng imported rice.
Bukod sa pagbaba ng presyo ng palay ay patuloy ding nalulugmok ang mga magsasaka dahil ang 299 irrigation projects na pinondohan ng P20 bilyon ay nade-delay.
Sinabi ng grupo na mahalaga ang irrigation sa mga magsasaka subalit kahit umiiral na ang Free Irrigation Law ay wala naman umanong magamit na tubig sa mga sakahan.
Iginiit din ng mga nabanggit na mambabatas na imbestigahan ang DA dahil ang mga binili ng mga ito na makinarya para tulungan ang mga magsasaka ay kung hindi depektibo ay hindi ibibinigay sa mga tao.
Kabilang umano sa mga binili ay mechanical dryer, generators na nagkakahalaga ng P88.15 million noong panahon ni DA Secretary Emmanuel Pinol ay hindi umano nagagamit.
Dahil dito, kailangan aniyang imbestigahang mga bagay na ito upang malaman kung anong klaseng tulong ang ibinibigay ng gobyerno sa sektor ng pagsasaka sa bansa.
289