PAG-OBLIGA SA BAGONG PILIPINAS HYMN DAPAT IDAAN SA BATAS

DAPAT amyendahan ang Flag and Heraldic Code of the Philippines upang maimandato sa lahat ng ahensya ng gobyerno at maging mga pribadong institusyon ang pag-awit ng Bagong Pilipinas Hymn at pagbigkas ng bagong panunumpa sa watawat.

Ayon kay Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero, sa ngayon ang nasa batas ay ang Pambansang Awit, ang Panunumpa sa Watawat at Panatang Makabayan.

Nilinaw rin ni Escudero na hindi kasama ang Senado, maging ang Kamara at constitutional commissions sa kautusan ng Malakanyang.

Subalit hindi naman tutol si Escudero na kantahin ito sa Senado pero pag-aaralan anya ito ng kanilang Secretariat.

“Pero sa akin wala namang masamang awitin, dapat may pag-asa, dapat magtulungan, dapat ambisyuning umunlad ang bansa. Pagpapaalala rin ito sa mga opisyal ng gobyerno na ito ang mga bagay-bagay na pwedeng singilin sa amin ng mga kababayan na kakanta nito lalo na sa paaralan,” pahayag ni Escudero.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na mas makabubuting magkaroon ng bagong batas para maipatupad ang kagustuhan ng Malakanyang na maisama sa flag raising ceremony ng mga tanggapan ng pamahalaan at pampublikong paaralan ang pagkanta ng Bagong Pilipinas Hymn at bagong panunumpa.

Kwestyonable rin para kay Pimentel na sinaklaw ng memo ang public schools gayung hindi naman kawani ng gobyerno ang mga mag-aaral. (DANG SAMSON-GARCIA)

203

Related posts

Leave a Comment