KAPAG PURO NGAWA LANG; 3RD TELCO PARUSAHAN — POE

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

KINALAMPAG ni Senador Grace Poe ang Department of Information and Communications Technology (DICT) upang tiyaking matutupad ng ikatlong mobile player na Dito Telecommunity (dating Mislatel) ang pangako nitong bilis ng internet speed at lawak ng sasakupin ng serbisyo nito sa bansa sa susunod na limang taon.

Sa deliberasyon sa panukalang 2020 DICT budget, iginiit ni Poe na dapat patawan ng parusa ang 3rd telco kung mabigo itong makatupad sa mga ipinangako sa ilalim ng franchise agreement.

Sa unang taon ng operasyon na magtatapos sa July 8, 2020, obligado ang Dito na bigyan ng serbisyo ang 37% ng populasyon sa bansa na may average minimum internet speed na 27 megabits per second (mbps).

Sa loob naman ng limang taon, nangako ang kumpanya na sasaklawin ang 84 percent ng populasyon at magbibigay ng internet speed na 55 mbps.

Sa pagtatanong pa rin ni Poe, inamin naman ni Senador Panfilo Lacson, ang sponsor ng budget ng ahensya, na wala pang naitatayong cell site ang Dito.

“‘Yun ang medyo nakatatakot kasi, by July 2020, dapat meron na silang 2,500 cell sites,” giit pa ni Poe.
Sinagot naman ito ni Lacson na “I understand these are all prefab, so mabilis lang po ito. In two months, they can put them up.”

Ipinaalala ni Poe na alinsunod sa franchise agreement, sa bawat hindi pagtupad ng kumpanya ay kaukulan itong parusa.

“If they are not able to fully deliver on their commitment, there are penalties,” giit nito.

Kinumpirma naman ito ni Lacson at ipinaliwanag na may performance security ang kumpanya na nagkakahalaga ng P25.7 billion sa unang taon; P10.7 billion sa ikalawang taon; P8 billion sa ikatlong taon; P5.3 billion sa ikaapat na taon at P2.7 billion sa ikalimang taon.

 

128

Related posts

Leave a Comment