(NI BERNARD TAGUINOD)
NUMERO lang ang bumaba na inflation rate dahil ramdam na ramdam pa rin ng mamamayan ang magtaas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo publiko.
Reaksyon ito ng mga militanteng mambabatas matapos maitala ang 3.9% na inflation rate noong Pebrero o bahagyang pagbaba ng .1% mula sa 3.8% na nairekord noong Enero 2019.
Ayon kay ACT Teacher party-list Rep. France Castro, walang dapat ipagmalaki ang gobyerno sa 3.8% na inflation rate dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga gasolina, bigas, gulay, karne, pamasahe at maging sa tubig, kuryente kasama na ang tuition fees at iba pa.
Isinisisi ito ng mambabatas sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na ayaw pa ring itigil ng Duterte adminitrasyon gayung ito ang dahilan kung bakit hirap na hirap pa rin ang mga tao ngayon sa kanilang pamumuhay.
“Una, Bago ang regressive excise taxes ng TRAIN, around less than 3% ang inflation natin. Pangalawa, di naman bumabalik sa pre-TRAIN status o bumababa ang mga presyo ng bilihin at serbisyo lalo na yung mga araw-araw na pangangailangan ng pamilyang Pilipino,” ani Castro.
Ganito din ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, dahil kung tatanungin umano ang mga tao, hindi na bumalik ang dating presyo ng mga bilihin noong wala pa ang TRAIN law.
“The so-called slowing or deceleration of inflation is nothing to be happy about as this does not mean that prices of basic goods are now going down or even lower as compared to last year or compared to last month,” ani Zarate.
Patunay dito ang presyo ng diesel na tumaas ng P6.69 kada litro mula noong Enero 1, hanggang Pebrero 26, habang P5.89 naman sa gasolina at P4.52 sa gaas kaya nag-iiyakan ang mga tao lalo na ang mga transport sector.
“Napakabigat na pasanin nito sa mga consumers lalu na’t ngayon ay humihingi uli ng dagdag pasahe sa mga jeep,” ayon naman kay Bayan Muna chair Neri Javier Colmenares.
202