(NI LILIBETH JULIAN)
NAPAWI ang takot ng mga opisyal at empleado ng National Food Authority (NFA) sa pangambang mabubuwag ang ahensya kasunod ng pagsasabatas ng Rice Tarrification Bill na katatapos lamang lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo.
Ito ay matapos makita ang nakasaad sa Section 8 ng bagong batas na mananatili pa rin ang NFA dahil inaatasan ang ahensya na panatilihin ang sapat na buffer stock ng bansa at dapat na kukunin lamang ito sa mga lokal na magsasaka.
“The NFA shall, in accordance with the rules, regulations and procedures to be promulgated, maintain sufficient rice buffer stock to be sourced solely from local farmers,” nakapaloob sa bagong batas.
Gayunman, nilinaw sa batas na inaalis lamang sa NFA ang kapangyarihan nito sa Food Safety Regulation na nakasaad sa food safety act of 2013, at inilipat na sa pangangasiwa ng Bureau of Plant Industry (BPI).
Sa ilalim ng Section 5 ng batas, pinakukuha ang lahat ng mga importer ng bigas na magkaroon ng sanitary at phytosanitary import clearance sa BPI bago pa man mag-angkat ng bigas pero kapag hindi nakapag comply ang mga ito makalipas ang pitong araw nang walang abiso sa rice importer ay awtomatikong maituturing na aprubado ang sanitary at phytosanitary import clearance application nito.
Noong nakaraang linggo ay tapos nang lagdaan ni Duterte ang Rice Tariffication Bill at dito na nagpahayag ng pagkontra ang mga opisyal at tauhan ng NFA.
Nabahala ang NFA sa posibilidad na maaaring ito ang dahilan para buwagin ang ahensya at maraming empleado ang mawalan ng trabaho.
178