PAGHAGILAP KAY ACIERTO, PUSPUSAN

aciero12

(NI NELSON S. BADILLA)

TINIYAK ng Department of Justice (DoJ) na puspusan ang paghahanap ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) kay dating PCol. Eduardo Acierto.

Ang pagpapaigting ng paghahanap kay Acierto ay resulta ng P10 milyong pabuyang ibibigay ng Malakanyang sa sinumang makapagtuturo sa kanyang pinagtataguan, banggit ni Secretary Menardo Guevarra.

Ang pabuya ng Malakanyang ay inilabas makaraang mag-isyu ng arrest warrant ang isang sangay ng Manila Regional Trial Court (MRTC) laban kay Acierto at iba pa kaugnay sa mahigit P11 bilyong halaga ng shabu na naipuslit sa bansa noong 2018 sa pamamagitan ng pagtago ng mga ito sa magnetic lifters.

Matatandaang ang mahigit P3 bilyon halaga ng shabu na nakalagay sa magnetic lifters ay nadiskubre at nakumpiska sa bakuran ng Manila International Container Port (MICP) noong nakalipas na taon.

Samantalang yung iba pang kasamang shabu na mahigit P11 bilyon ang halaga ay naipakalat na sa merkado, ayon noon kay Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino.

Ang magnetic lifters na pinagtaguan ng nasabing higit P11 bilyong halaga ng shabu ay natagpuan sa isang bodega sa GMA Cavite noong nakalipas ding taon.

Si Ancierto ang isa sa mga otoridad na nasa likod ng multibilyong shabu, ayon kay Aquino.

Ang iba pa ay sina dating PDEA Deputy Director for Administration Ismael Fajardo, importers Chan Yee Wah at Zhou Quan, sina Vedasto Baraquel Jr. at Maria Catipan ng Vecaba Trading at isang Emily Luquian na kasama sa kaso ni Acierto sa MRTC.

Ang paglalabas ng P10 milyong pabuya laban kay Acierto ay nagpapakita ng ‘matinding galit’ ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang isiwalat ni Acierto sa media na sina Presidential Economic Adviser Michael Yang at Allan Lim ay sangkot sa iligal na droga.

Ayon kay Acierto, ang pagkakasangkot nina Yang at Lim sa iligal na droga ay batay sa intelligence report noong 2017 pa, ngunit binalewala raw mismo ni Duterte.

Sina Yang at Lim ay sinasabing mga ‘kaibigan’ ni Duterte.

Ipinagtanggol nina Duterte at Aquino sina Yang at Lim sa pamamagitan ng pagdedeklara sa media na ang dalawa ay inosente sa iligal na droga.

 

 

 

139

Related posts

Leave a Comment