PAGLABAG NG CHINA SA INT’L HUMANITARIAN LAW PINAREREPASO

HINIMOK ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pag-aralan ang posibleng paglabag ng China sa International Humanitarian Law kasunod ng pinakahuling harassment sa Ayungin Shoal.

Sinabi ni Tolentino na malinaw sa video footage ng insidente ang pang-aagaw ng food supplies para sa tropa ng pamahalaan.

Iginiit ng senador na hindi lamang dapat diplomatic protests ang tinututukan ngayon ng DFA kundi kailangan ding pag-aralan ang mga paglabag sa International Humanitarian Law.

Kahit wala anyang direktang conflict, maaari pa ring paglabag sa batas ang starvation o pagkagutom bilang method of warfare.

Kasabay nito, muling tiniyak ni Tolentino ang suporta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa pahayag ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr. na payagan ang mga sundalong Pinoy sa Ayungin Shoal na magdala ng mga armas bilang pagdepensa sa sarili.

‘Barbaric Act’

Ganito naman inilarawan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pag-agaw at pagsira ng mga Chinese sa supply ng pagkain at gamot ng tropa ng Pilipinas na nakadeploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon sa mambabatas, ipinapakita lamang ng China sa buong mundo kung gaano sila kasalbahe dahil maging ang pagkain at gamot ng mga sundalo sa loob ng teritoryo ng Pilipinas ay inagaw at sinira ng mga ito.

“The latest uncalled for barbaric and inhumane attacks by the trespassers that are all caught on video deserves the highest condemnation from the international community,” ayon sa mambabatas.

Hindi aniya ito gawain ng matitino at sibilisadong tao subalit ang mga ito pa ang nag-aakusa sa Pilipinas na nagpapalala sa tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Dahil dito, kailangan aniyang dalhin na ng gobyerno ang usapin sa international bodies dahil hindi na ubra ang “note verbales”. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

43

Related posts

Leave a Comment