PAGLUSAW SA POGO IPINORMA SA KAMARA

KAKANSELAHIN ang lahat ng lisensya na ibinigay sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) kapag naipasa ang panukalang batas na inihain ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Dahil dito, umapela si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa Malacañang na sertipikahan bilang urgent bill ang kanilang House Bill (HB) 10525 kung nais umano ng gobyerno na tuluyang mapatalsik sa bansa ang mga POGO.

“House Bill 10525 seeks to cancel all the existing licenses of these operations and treat them as serious crimes,” ani Brosas.

Sa panukala, papatawan ng parusang hanggang 10 taong pagkakakulong ang mga POGO official bukod sa multang P10,000,000.

Bukod dito, agad na patatalsikin sa trabaho at kukumpiskahin ang retirement benefits ng mga opisyales at empleyado ng gobyerno na mapatutunayang tumutulong sa POGO operations o kaya isa sa mga may-ari nito.

Nakasaad din sa nasabing panukala na kapag nasentensyahan na ang mga POGO boss ay kukumpiskahin ng gobyerno ang mga ipinatayong gusali ng mga ito at iba pang ari-arian na nakapangalan sa kanila o kaya sa kanilang mga dummy.

Iginiit ng mambabatas na kailangang maipasa ang panukalang ito sa lalong madaling panahon para matigil ang mga krimeng dinala ng mga POGO sa bansa matapos silang hindi payagan sa China.

“It is alarming that crimes such as rape, prostitution, human trafficking, illegal detention, and the likes are linked to these operations. We fully condemn these activities as these jeopardize the public safety and well-being of the people,” ani Brosas.

Wala rin umanong silbi ang kinikita ng gobyerno sa POGO dahil nalalagay sa panganib ang seguridad ng bansa.

Kaugnay nito, iniutos ni Department of National Defense (DND) Sec. Gibo Teodoro Jr. ang pagpapahinto sa operasyon ng POGO malapit sa military bases.

Ito aniya ay para maiwasan ang mga kriminal na aktibidad na nagiging sanhi ng paghina ng financial standing, ratings ng bansa, at pamamayagpag ng korupsyon sa lipunan.

Base sa mga ulat, ang ilang Chinese casino at POGO sites ay malapit sa Camp Aguinaldo; Philippine National Police Headquarters sa Camp Crame, Quezon City; sa Philippine Air Force Headquarters sa Pasay City; Philippine Army Headquarters sa Taguig City; Philippine Navy Headquarters sa Manila.

Noong 2019 nang maalarma si dating Defense Sec. Delfin Lorenzana sa mga lokasyon ng casino at POGO na tila sinadyang malapit sa military bases. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)

46

Related posts

Leave a Comment