PAGPASOK NG DAYUHAN SA AGRI SEKTOR SININGIT SA PLANONG RTL AMENDMENTS

BAGAMAT bawal ang mga dayuhan na pasukin ang sektor ng agrikultura partikular na sa pagtatanim, papayagan ito sa isinusulong na amyenda sa Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law (RTL).

Sa debate sa plenaryo ng Kamara sa nasabing panukala, nabuko ni Albay Rep. Edcel Lagman na may nakasingit na probisyon na nagbibigay ng kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na i-regulate ang foreign investment sa rice at corn industry.

“On page three, section four quoting section seven which reads: Powers of the National Food Authority to regulate foreign investments in the rice and corn industries,” ani Lagman na hindi agad nasagot ng sponsor ng panukala na si Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing.

Base sa kasalukuyang batas, bawal ang foreign investors na pasukin ang pagsasaka maliban sa larangan ng agricultural machines at mga butil na itatanim ng mga lokal na magsasaka.

Dahil dito, isinulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang economic Charter change (Cha-cha) para payagan ang mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Gayunpaman, malabong maamyendahan ang mga economic provision sa 1987 Constitution dahil hindi pabor ang mayorya sa Senado.

“I would suggest strongly that the particular provisions of NFA’s regulation for foreign investors for the rice production be deleted completely. As of now, there is no foreign investors for rice production or importation,” ani Lagman.

Kaugnay nito, naliliitan si Lagman sa P15 billion na inilalaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) dahil kikita umano ang gobyerno ng P34 billion sa susunod na taon dahil sa rice importation.

Sa report ng United States Department of Agriculture (USDA), aangkat ang Pilipinas ng 4.2 million metric tons sa 2025 kaya makakakolekta ng P34 billion taripa ang pamahalaan kaya maliit umano ang P15 na ilalagay sa RCEF.

Ang RCEF ay itinatag upang tulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng libreng abono, pananim at iba pa. (BERNARD TAGUINOD)

30

Related posts

Leave a Comment