PDEA leaks probe tuloy PALUSOT SA PAGGAMIT SA PANGALAN NI LAM ‘DI KINAGAT NI SEN. BATO

HINDI kinagat ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang katwiran ng tauhan ng National Police Commission na bahagi ng kanyang pambobola ang paggamit sa pangalan ni First Lady Liza Marcos kaugnay sa imbestigasyon sa tinaguriang PDEA leaks.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, dumalo si Eric Santiago, alyas Pikoy ng Napolcom.

Si Pikoy ang kausap sa telepono ni Romeo Enriquez na nangungumbinse kay dating PDEA agent Jonathan Morales na ‘wag nang lumantad sa imbestigasyon sa Senado. Ang usapan ay nakunan sa CCTV.

Sa naturang pag-uusap sa cellphone ay nabanggit ang pangalan ng isang James Kumar at ni First Lady Liza o LAM.

Ayon kay Santiago, kathang-isip lang ang kanyang mga binanggit na pangalan sa tawag kay Enriquez at binobola lang aniya niya ito.

Hindi naman ito pinaniwalaan ni Sen. Bato, chairman ng komite.

“Wow ‘di naman kami grade one dito. Mga senador kami. Ibig mong sabihin binobola mo lang sya para mabola kami para imbitahin ka dito, para makapagsalita ka nang something against kay Morales,” ayon pa kay Sen. Bato.

“Santiago kung nambobola ka bakit mo idadamay ang pangalan ni LAM?” tanong pa ng senador.

Sa kabila ng masalimuot na pagdinig ng Senado kaugnay sa PDEA leaks ay sinabi ni Sen. Bato na magkakaroon ng isa pang pagdinig ang kanyang komite.

Kaugnay nito, nanindigan si Sen. Bato na walang “hidden agenda” sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa sinasabing PDEA leaks o ang dokumentong nagsasaad na gumagamit ng droga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at isang aktres.

Aniya, mananatili ang kanyang pagiging objective sa imbestigasyon saka titimbangin ang testimonya at dokumento na ilalatag sa pagdinig upang matukoy ang katotohanan at kasinungalingan.

“Perform my mandate, not please everyone,” ang tugon ni Sen. Bato sa mga kritiko na kumukwestiyon sa kakayanan ng kanyang komiteng masolusyunan ang isyu sa PDEA leaks.

Tiniyak din nito kay Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na hindi niya ipapahiya ang Senado.

33

Related posts

Leave a Comment