(NELSON S. BADILLA)
PINANINDIGAN ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang ‘kawastuhan’ at ‘napapanahon’ umanong pagputol niya sa kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at ng University of the Philippines (U.P) hinggil sa pang-akademikong kalayaan ng mga prosesor at mag-aaral.
Ang pagputol sa kasunduan na ginawang “updated” noong 1989 ay ginawa ni Lorenzana ilang buwan makaraang magsimulang ipatupad ang Anti-Terrorism Act 2020.
Ang bagitong batas laban sa terorismo ay nakapila sa mga batas na kinukuwestyon sa Korte Suprema ang constitutionality dahil tahasang nabalewala umano rito ang karapatang pantao ng mga
aktibista at binigyan ng malaking oportunidad ang mga pulis na manghuli ng mga taong pinaghihinalaan nilang teorista kahit walang paunang ebidensya man lamang.
Ang ‘malayang’ pagpasok, operasyon at panghuhuli ng mga militar at pulis sa mga unibersidad tulad ng UP ay hindi kasama sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Si Lorenzana ay isa sa mga aktibo sa mga opisyal ng pamahalaan na bumabanat laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) at mga prenteng organisasyon nito.
Sa kanyang desisyong ‘patayin’ ang kasunduang Soto-Enrile na pinalakas noong 1989 kung saan si Fidel Ramos ang kalihim ng DND ay pinakawalan ni Lorenzana ang ganitong argumento: “The agreement has become obsolete. The times and circumstances have changed since the agreement was signed in 1989, three years after the martial law ended”.
Ibinulalas pa ng kalihim na ang nasabing kasunduan ay naging ‘kumadrona’ ang UP ng “intransigent individuals and groups whose extremist beliefs have inveigled students to join their ranks to fight against the government”.
Ang orihinal na lumagda sa kasunduan ay sina Juan Ponce Enrile at Sonia Soto.
Si Enrile ang ministro ng Ministry of National Defense (MND) noong panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, samantalang si Soto ang pambansang pinuno ng League of Filipino Students (LFS).
Ngunit, kahapon tahasang itinanggi ni Enrile ang nasabing kasunduan.
Wala raw ganyang kasunduan noong kalihim siya ng MND, wika ni Enrile.
Kung mayroon man ay siguraong “peke” ang kasunduan.
Kinumpirma ni UP Propesor Danilo Arao ang kasunduan sa pagitan nina Enrile at Soto.
Ani Arao, muli itong pinagtibay noong 1989, labing-apat na araw makaraang masakote si Donato Continente sa loob ng UP Diliman Campus bilang suspek sa pag-ambus at pagpatay kay U.S. Col. James Rowe noong Hunyo 1989.
Tahasang itinanggi ni Continente ang akusasyon kahit noong lumaya siya mula sa National Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Arao, si Continente na bahagi ng Philippine Collegian noong 1989 ay ‘dinukot’ ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong gabi ng Hunyo 16, ng nasabing taon sa harapan ng Vinson’s Hall ng UP Diliman.
Pagkatapos, tinortyur at pinuwersa si Continente ng militar na amining siya ang bumaril kay Rowe, patuloy ni Arao.
Dahil dito, muling napagtibay ang kasunduan na nilagdaan ni Ramos at ng mga opisyal ng UP noong 1989.
