(NI DANG SAMSON-GARCIA)
KINUWESTYON ni Senator Imee Marcos ang Department of Agriculture (DA) sa biglaang pagtaas ng presyo ng manok sa kabila ng sapat na suplay sa merkado.
Ayon kay Marcos, posibleng sinasamantala ng mga sindikato ang mataas na demand ng manok matapos na pumutok ang African Swine Fever (ASF) scare dahilan kung bakit halos walang bumibili ng karne ng baboy sa mga palengke at supermarket.
“Ano ba ang dahilan kung bakit biglang tumaas ang presyo ng manok? Huwag nilang sasabihing kulang ang supply ng manok dahil hindi naman talaga nagkukulang. Ano ba ‘yan, simpleng mamimili na naman ang tatamaan dito,” saad ni Marcos.
Sa ngayon, ang bentahan ng bawat kilo ng dressed chicken ay umaabot na sa P180 hanggang P200 sa dati nitong presyo na P140 hanggang P150 at inaasahan pang tataas ang presyo nito pagpasok ng Disyembre base na rin sa pahayag ng DA.
Nagbabala rin si Marcos sa pamunuan ng DA sa ‘artificial shortage’ na maaring gawin ng mga sindikatong negosyante o cartel ng manok para masiguro nila ang mataas na presyo nito sa mga binabagsakang pamilihan.
“Yang cartel ng manok ay kayang-kayang laruin ang presyo at palabasin na merong shortage ng manok kahit wala naman. Kailangang talagang kumilos ang DA,” giit ng senador.
Matatandaang sa pagdinig ng Senado nitong nakaraang linggo, nangako si DA Undersecretary for Operations Ariel Cayanan na kanilang babantayan ang presyo ng manok sa mga pamilihan at kung naipapatupad ang suggested retail price.
232