(NI BETH JULIAN)
BUKAS ang Malacanang na makinig sa lahat ng suggestions kaugnay sa pinasok na kasunduan ng Pilipinas sa China kabilang na rito ang Kaliwa Dam project sa Infante, Quezon na popondohan ng China.
Ayon kay Presidential spokeserpson Atty. Salvador Panelo, ikinokonsidera at tinatanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga mungkahi at rekomendasyon.
Sinabi pa ni Panelo na nakikinig din ang Pangulo sa lahat ng pananaw ng taumbayan.
Ilang grupo na ang nagpahayag ng pagtutol sa pagsasakatuparan ng Kaliwa dam project sa kadahilanang masisira umano ang biodiversity sa lugar bukod sa mapapaalis pa sa kanilang kinalalagyan ang mga naninirahang katutubo sa lugar.
Samantala, inihayag naman ni Panelo na hindi nababahala ang Malacanang na idulog sa Korte Suprema ang isyu sa nasabing irrigation project.
Pahayag ni Panelo na karapatan naman ng sinuman na idulog sa tamang forum ang usapin kung sa tingin ay ito ang nararapat.
Gayunman, tiniyak ni Panelo na handa ang Palasyo na harapin ang mga legal na hakbang kaugnay ng usapin na ito.
Iginiit ni Panelo na dumaan sa masusing pag aaral ng mga economic manager ang ipinasok na kasunduan ng Pilipinas sa China.
Sa ngayon ay tuloy pa rin ang proyekto hanggang walang kautusan mula sa korte na ipahihinto ito.
160