6-TAON NA ‘KULONG’ SA MAG-AMANG YUSON

MAG-AMANG YUSON

(Mga warlord sa Masbate pinatiklop ng pulisya)

KASAMA ang mag-amang mayor at vice mayor sa pinagdududahang mga ‘warlord’ sa lalawigan ng Masbate na kung saan ay masusing minamatyagan ng awtoridad mula sa Pambansang Pulisya.

Kahapon ay inumpisahan na ng Department of Justice ang pag-uusig sa alkaldeng si Charmax Jan Yuson ng Batuan town sa nabanggit na lalawigan at ang kanyang amang bise alkalde na si Charlie Yuson.

Ang mag-amang Yuson ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9516 at RA 10591 o kilalang batas sa illegal possession of firearms and explosives nang sila’y maaktuhan umanong nagtatago ng matataas na kalibre ng mga baril at paputok.

Pebrero 14, 2019 nang salakayin ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group ng Region 5 PNP ang bahay ng mga Yuson sa isang resort sa bayan ng Batuan kung saan nakakuha ang mga sumalakay na kapulisan ng matataas na klase ng armas at mga bala na siyang isinumite sa piskalya bilang ebidensiya.

Naniniwala naman ang pamunuan ng PNP sa Bicol region na ang karahasan sa darating na halalan ay mababawasan kung ang mga tinaguriang ‘warlord’ sa mga lalawigan ay kanilang mapatitiklop ‘tulad ng naganap na anti-private army operations na isinagawa nila sa Masbate at sa iba pang bahagi ng bansa kung saan mayroong mga naiulat na karahasan ng mga nagdaang election.

Sa preliminary investigation ay itinanggi ng mag-amang Yuson ang kasong illegal possession of firearms and explosives at sinabing politika lang ang dahilan kung bakit sinalakay ang kanilang bahay ng mga taga-CIDG.

Sinabi naman ng nag-uusig na piskal ng DOJ na si Assistant State Prosecutor Josie Dugay na kanya nang isusumite sa panel of prosecutors ang nasabing usapin upang resolbahin kung may sapat na basehan upang iakyat sa korte para sa kaukulang paglilitis.

Kung mapagtanto ng piskalya na may tinatawag na probable cause ang inihaing demanda ng CIDG probers ay malamang na makukulong ng walang piyansa ang mag-amang Yuson habang dinidinig ang kaso sa korte.

At kung mapatunayang nagkasala silang mag-ama ay anim na taong pagkakakulong ang magiging kaparusahan.

101

Related posts

Leave a Comment