(NI BETH JULIAN)
HINDI nababahala si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglipana ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hubs malapit sa mga kampo ng militar.
Ito ay kahit na nagpahayag na ng pagkabahala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na posibleng implikasyon nito sa isyung pangseguridad ng Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na batay sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinasabi nitong dahil sa mga makabagong teknolohiya ay maaari pa ring makapag-espiya ang China kahit ilang milya ang layo mula sa mga kampo.
Ikinakatwiran ng Pangulo, ayon kay Panelo, na hindi naman kailangan ng China na magtayo pa ng mga POGO hub malapit sa mga kampo kung nais talaga nitong mang- espiya dahil kaya nila itong gawin kahit saan.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na may kakayahan na rin ngayon ang Piipinas na makapagsagawa ng security gathering sa gitna ng bantang pang seguridad sa mga POGO hub sa bansa.
Giit ni Panelo, hindi matatawaran ang galing ng mga Flipino sa intelligence gathering lalo pa’t nakabili na rin ang Pilipinas ng mga makabagong instrumentong kailangan para rito.
Sinabi ni Panelo na ayon sa Pangulo, sa pamamagitan ng mga makabagong kagamitan para sa intelligence gathering ay malalaman din ang ginagawa ng China sakaling may binabalak man itong masama laban sa bansa.
Dagdag pa ni Panelo na natural na rin sa mga banta sa mundo ang mang espiya sa isa’t isa.
169