‘PAMPASAHERONG SASAKYAN I-PRAYORIDAD SA KALYE’

(NI BERNARD TAGUINOD)

DAHIL karaniwang mamamayan ang apektado sa trapik sa Metro Manila, iminungkahi ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na iprayoridad sa lansangan ang mga pampasaherong sasakyan.

Isa ito sa suhestiyon ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago lalo na’t 20% lang umano sa mamamayan o populasyon ng Metro Manila ay may sasakyan habang ang natitirang 80% ay mga commuters.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Elago, naglatag ito ng ilang suhestiyon para hindi mahirapan ang mga karaniwang mamamayan sa pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho at eskuwelahan.

“Pagbibigay-prayoridad ng kalsada at ilaw pang-trapiko sa mga pampublikong sasakyan upang mapabilis ang biyahe ng 15 kilometro sa isang oras,” ayon sa mambabatas.

Kabilang sa mga iminungkahi ng mambabatas ay pagpapaikli ng paghihintay ng pampublikong transportasyon sa sampung minuto tuwing peak hour sa MRT,; pagtatakda ng ligtas at maayos na hintayan ng pampublikong transportasyon na 300 metro ang layo sa isa’t isa at 500 metro ang layo sa mga komunidad; pagpapatayo ng maayos na lakaran at protektadong daanan para sa mga siklista sa lahat ng mga pangunahin at local na daan at pangkalahatang konsiderasyon sa mga marginalize grupo tulad ng kabataan, buntis, matatanda, at persons-with-special needs.

“Palala nang palala ang estado ng pampublikong transportasyon sa bansa at kasabay nito, ang mas humihirap na buhay ng ordinaryong Pilipino,” ani Elago kaya dapat umanong bigyan prayoridad sa mga lansangan ang mga pampublikong sasakyan.

Dismayado rin si Elago dahil 80% umano sa mga lansangan ay inilalaan sa pribadong sasakyan  at ang mga imprakstrakturang itinatayo ay para lamang sa mga ito habang hindi makatao aniya ang mga matatarik at delikadong overpass na ginagamit ng mga commuters at pedestrian.

“Bukod pa rito, nakita na natin kung paanong ang pagtatayo ng mas maraming mga daan para sa mga pribadong sasakyan ay nagpapalala lamang ng trapiko,” ayon pa sa mambabatas.

144

Related posts

Leave a Comment