Panelo: PNP findings tanggapin PAMILYA DACERA ‘PINATATAHIMIK’ NA

HAYAGANG pinatitigil ng abogado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya Dacera sa pagkamit ng katarungan sa pagkamatay ng 24-anyos na flight attendant na si Christine.

Sabi ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na tanggapin na ng pamilya Dacera ang iginiit ng Philippine National Police (PNP) na si Christine ay hindi ginahasa at hindi pinatay.

Ang posisyon ng PNP na ipinarating sa piskalya ng lungsod ng Makati ay namatay si Christine dahil sa “ruptured aortic aneurysm”.

Ito ay resulta ng autopsy report ng PNP.

Lumaki raw ang timbang ng puso ni Christine sa 500 gramo mula sa normal na 300, paliwanag sa ulat.

Lumabas ang report noong Enero 11.

Idiniin ni Panelo na tanggapin ng pamilya Dacera ang resulta ng PNP autopsy report. Ang pahayag ay inilabas ng abogado at dating tagapagsalita ni Duterte makaraang batikusin ng pamilya

Dacera ang resulta ng pagsusuri ng medical experts ng PNP sa katawan ni Christine.

Sa kasalukuyan, abala si Panelo sa pagpapakalat ng tambalang Davao City Mayor Sara Carpio-Duterte at Pangulong Duterte bilang kandidatong pangulo at pangalawang pangulo sa halalang 2022.

Inilunsad ni Panelo ang tambalang “Duterte-Duterte” sa Pangasinan kamakailan na sinuportahan ng mga opisyal ng mga pamahalaang lokal sa Pangasinan, sa pangunguna ni Bise Gobernador Mark Ronald Lambino.

Sumuporta rin si Secretary Raul Lambino, tagapayo ni Duterte para sa Northern Luzon at pinuno ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).

Hinamon ng pamilya Dacera na suriing mabuti ang labing-isang kalalakihan na nasangkot sa pagkamatay ni Christine upang malaman kung sinu-sino ang gumahasa sa dalaga bago ito namatay.

Labis na naniniwala ang pamilya, lalo na ang ina ni Christine na si Sharon na ginahasa at pinatay ang dalaga.

Si Dacera ay natagpuang patay noong Enero 1 sa isa sa mga kuwarto ng City Garden Grand Hotel sa Makati.

Dahi sa pangyayari, sinuspinde ng anim na buwan ng Department of Tourism (DOT) ang City Garden Grand Hotel dahil sa paglabag sa akreditasyon nito para sa kuwarantina ng mga sumailalim sa COVID-19 test. (NELSON S. BADILLA)

55

Related posts

Leave a Comment