Militanteng grupo umaasa ng tagumpay ORAL ARGUMENT SA ATA SIMULA NA

BAGAMA’T ngayong araw, Martes, Pebrero 2, pa lamang magsisimula ang Oral Argument sa Korte Suprema sa kinukuwestiyong Anti-Terror Act (ATA), tila umaasa na agad ng tagumpay ang militanteng grupo.

“We expect that the SC oral arguments would result in a pro-democracy ruling and a victory for the people,” ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite.

Sa ngayon ay umaabot sa 37 ang petisyong nakahain sa Kataas-taasang Hukuman na kumuwestiyon sa legalidad ng nasabing batas na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 3, 2020.

Sinasabing mapanganib at labag sa 1987 Constitution ang nasabing batas dahil maaari nang arestuhin ang lahat ng mga taong pinagsususpetsahan o inaakusahang terorista na walang arrest warrant at ikulong ng hanggang 21 araw kahit walang maisampang kaso.

Bukod dito, magkakaroon ng kapangyarihan ang Anti-Terror Council na magturo ng mga taong maaaring arestuhin ng mga law enforcer kahit walang matibay na ebidensya laban sa mga ito.

Dahil dito, 37 grupo kasama na ang ilang Muslim group ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang legalidad ng nasabing batas lalo na’t aktibo umano ang ilang heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagre-red tag sa mga kritiko ng administrasyong Duterte.

“We hope our Justices would see that the Anti-Terror Act in the hands of fascist implementors is the real terror threat. It is a threat to democracy, a threat to human rights, a threat to numerous Constitutionally protected freedoms of the Filipino people,” ani Gaite.

Sinabi pa ng mambabatas na tututukan ng sambayanang Pilipino ang oral argument na ito sa Korte Suprema dahil ang demokrasya at kalayaan aniya ng mamamayan ang nakataya rito.

“Tiyak na nakabantay ang bayan at handa silang manindigan laban sa tiraniya,” dagdag pa ng mababatas. (BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment