Pagkilala, tamang kompensasyon isinusulong ni Rep. Nograles
(PFI Reportorial Team)
ISINUSULONG ng isang bagitong mambabatas ang tamang benepisyo at pagkilala sa mga papasok sa propesyong paralegal.
“Panahon na upang maging propesyonal ang paralegal work para matiyak ang kalidad ng serbisyong legal sa pamamagitan ng pagtatakda ng pamantayan para sa sinomang pumapasok sa ganitong uri ng trabaho.”
Ito ang dahilan kaya itinutulak ni Rizal 2nd district Rep. Fidel Nograles, ang House Bill 5886, isang komprehensibong panukala na nagsasaad ng tungkulin ng paralegal workers at magbibigay ng garantiya sa kanilang karera at propesyonal na pag-unlad sa legal profession.
Ayon sa pag-aaral, may nakikitang pagtaas ng demand para sa paralegal services sa maraming bansa, kabilang na ang Pilipinas, na mayroong 33% growth rate.
“Gayunman, maliban sa mahalagang tungkulin na kanilang ginagampanan sa legal profession, ang paralegals ay hindi nakatatanggap ng tamang kompensasyon at pagkilala na nararapat sa kanila,” pahayag ng kongresista.
Ayon kay Nograles, “Ang paralegals ay may napakahalagang papel na ginagampan sa propesyong legal. Sila ay nagbibigay ng suporta na kinakailangan ng legal practitioners para magampanan nang maayos ang kanilang iba’t ibang gawain at responsibilidad.”
“Ito ang tamang panahon na kilalanin natin ang kanilang trabaho at gawing propesyunal ang kanilang mga serbisyo, pati na rin ang paggawa ng hakbang para masiguro na mayroon silang sapat na pagsasanay bago sila pahintulutang gumanap sa kanilang serbisyo,” ayon pa sa mambabatas na isa ring abogado at nagtapos sa Harvard Law School noong 2016.
Sa ilalim ng HB 5886, ang mga nagnanais maging paralegal ay kinakailangang Filipino citizen na nasa wastong gulang, nakapagtapos ng high school at dapat munang sumailalim sa Paralegal Training and Education Program (PTEP) na magkatuwang na binuo at nilikha ng Department of Justice, Supreme Court at Commission on Higher Education.
Ang PTEP ay may kasamang 200 oras na on-the job training sa mga tanggapan ng gobyerno na naatasang gumawa ng legal na kasanayan o tungkulin, o sa isang accredited na pribadong law firms.
Sa oras na makumpleto ang PTEP, ang mga nagsanay ay sasailalim sa Paralegal Professional Exam- isang walong oras na pagsusulit na sesertipika sa sinomang indibidwal bilang professional paralegals kapag naipasa nila ang eksaminasyon.
499