UMAKYAT na sa mahigit 1,700 ang mga namatay sa China nang dahil sa China new coronavirus (COVID-19) epidemic kung saan 100 katao pa ang nadagdag sa namatay sa Hubei province.
Sinabi ng province health commission na may 1,933 na bagong kaso silang naitala.
Umaabot na sa 70,400 na tao ang may impeksyon sa buong mundo.
Karamihan sa Hubei, kung saan nagmula ang nasabing virus noong Disyembre at naging epidemic.
Ang bilang ng bagong kaso ay nagsimula nang bumaba noong nakaraang linggo.
IUUWI NG DOH
Samantala, pinaghahandaan na ng Department of Health at maritime agency ang pagpapauwi sa mahigit 500 Filipino na lulan ng cruise ship na nakadaong ngayon sa Yokohama, Japan matapos tamaan ng COVID-19 virus ang maraming pasahero nito.
Sa isang panayam kay DOH Sec. Duque, sinabi nitong may plano silang ilikas ang mga sakay ng barko at sa ngayon ay hinahanapan na ng lugar kung saan sila pwedeng i-quarantine ng dalawang linggo.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa maritime agency na nag-deploy ng mga crew sa nasabing barko.
Sa kabuuang bilang na 538 Pilipinong sakay sa cruise ship, 531 ang crew at pito naman ang guest passenger, ayon kay Robespierre Bolivar, Deputy Chief of Mission to Japan.
Sa pinakahuling ulat ay umabot na sa 11 ang Pilipinong nagpositibo sa COVID-19. KIKO CUETO, DAHLIA S. ANIN
160