PREPARADO na ang lahat ng mga kagamitan ng Phil. Coast Guard-North Western Luzon upang magbigay ng tulong sa mga maaapektuhan ng Bagyong Marce.
Sinabi ni PCG Admiral Ronnie Gil Gavan, nasa heightened alert ngayon ang lahat ng district station at substation sa North Western Luzon.
Kinansela na rin ang lahat ng leave at day off ng mga tauhan ng PCG upang matutukan ang pagsalba sa mga naapektuhang residente.
Nakahanda na rin ang lahat ng mga kagamitan ng coast guard gaya ng mga barko, rubber boat, chopper at iba pa para sa mas mabilis na pagtugon.
Pinaalalahanan din ng PCG ang publiko na maging ligtas sa anomang oras.
Samantala, pursigido si Senator Raffy Tulfo na isulong ang isang batas para hindi maging kulelat ang PCG sa mga benepisyo, paid rate ng mga tauhan at mga modernong kagamitan.
Panahon na aniya para maging pantay at patas ang pagtrato ng pamahalaan sa mga tauhan ng coast guard na kulelat kumpara sa counterpart na Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nais ni Tulfo na madagdagan ang kanilang budget para makatugon sa pagbibigay ng maayos na performance sa panahon ng kalamidad at trahedya.
Ang mga kagawad aniya ng PCG ang madalas nasusuong ang mga buhay sa panganib.
Kasunod ito ng ginawang personal na pagbisita ni Sen. Tulfo sa headquarters at pasilidad ng PCG sa Pier, Manila.
Gusto rin ng senador na magkaroon ng maayos na helicopter na magmo-monitor lalo sa pagsasagawa ng rescue operation sa gabi. Lubos naman ang pasasalamat ni Admiral Ronnie Gil Gavan at Chief of Staff Commodore Algier Ricafrente sa pagtulong at pag-alalay ni Sen. Tulfo sa kanilang tanggapan. (JULIET PACOT)
36