KOMPREHENSIBONG PLANO PARA SA FOOD SECURITY

EDITORIAL

LUMABAS sa pagtataya ng United States’ Department of Agriculture (USDA) na inaasahang mangunguna pa rin ang Pilipinas bilang rice importer sa buong mundo sa 2025. Sakali, ito ang ikatlong magkakasunod na taon na mananatiling nasa unahan ang Pilipinas sa pag-angkat ng bigas.

Base sa report ng USDA Economic Research Service, 4.2 million metric tons ang inaasahang aangkatin ng Pilipinas sa susunod na taon upang matugunan ang lumalaking kakailanganin para sa dumaraming populasyon.

Kakailanganin ang komprehensibong plano sa pagsusulong ng seguridad ng pagkain at sariling kakayahan para paunlarin ang lokal na industriya ng bigas at maiwasang umasa sa importasyon.

Kung maraming produksyon ang pinupuntira ay dapat sapat na suporta sa mga magsasaka at sa buong sektor ang itanim ng pamahalaan nang maganda ang aanihin.

Gayunman, sa ulat ng USDA, inaasahang magtatala ang bansa ng isa pang record rice harvest sa susunod na taon na aabot ng 12.7 million MT, mas mataas ng 200,000 MT sa kalkulang 12.5 million MT ngayong taon.

Paano mapalalakas ang farm output ng bansa?

Matatandaang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa kaagahan ng taong ito na kakailanganin ng bansa ng hindi bababa sa P1.3 trilyon para mas mapalakas ang produksiyon at mabawasan ang nasasayang na produkto. Nasa plano rin ang pagpapagawa ng ricemill warehouse complex para mabawasan ang pagkalugi dahil sa kakulangan ng post-harvest facilities.

Maganda sana ang plano pero hindi nakasisiguro na tuluyang mawawala ang pag-aangkat ng bigas, na sinasabi ng karamihan na isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo sa mga pamilihan.

Kaya isinusulong ng mga mambabatas ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law, na pinamamadali raw ni Presidente Marcos.

Tugon ba ang pag-amyenda ng RTL sa walang katapusang pasanin ng mga magsasaka at konsyumer sa realidad ng usaping bigas?

Sabagay, uumpisahan ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagbebenta ng bigas ng P29 kada kilo sa Agosto dahil inaasahang makakukuha ng halos 100 million kilograms ng butil mula sa kontrata sa mga farmer cooperative.

Ngunit may piling lugar lang ang pinupuntirya.

Pareho lang ito ng sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na maaaring maibenta ang bigas ng P30 kada kilo sa Hulyo, ngunit sa mga piling lugar lang.

Pansamantala at sa limitadong panahon lang ito. Ang inaabangan ng publiko ay ang tuloy na benepisyong makukuha sa matatag na mababang presyo ng bigas sa araw-araw sa loob ng walang terminong takda ng panahon.

Patuloy na nahihirapan ang gobyerno na itaas ang produksyon ng bigas at makamit ang sariling kakanyahan, pero ang mas nahihirapan ay ang mamamayan.

May magagawa ang pamahalaan para gumaan ang pasanin ngunit baka hindi pa sa ngayon.

35

Related posts

Leave a Comment