NANINIWALA ang mga eksperto ng OCTA Research Group na maliit na lamang ang tsansang magkaroon muli ng COVID-19 surge sa bansa sakaling makapasok ang Omicron variant.
Para kay OCTA fellow Fr. Nicanor Austriaco, sakali mang makapasok sa bansa ang nasabing variant ay mahihirapan na itong kumalat sa Metro Manila dahil halos lahat ay bakunado na.
Sa huling ulat ay mahigit 37.3 milyong indibidwal na ang fully vaccinated kontra COVID-19 sa bansa. Nangangahulugan umano ito na 48.4% ng target na 77.1 million ay nabakunahan na.
Kaugnay nito, nakatuon ang health authorities sa pagtuklas kung gaano kataas ang proteksyong maibibigay ng kasalukuyang bakuna laban sa bagong variant.
Samantala, hinihintay ng Malakanyang ang resulta ng genome sequencing sa samples na kinuha mula sa 3 byahero mula South Africa, Burkina Faso, at Egypt na nagpositibo sa COVID-19 upang malaman kung Omicron variant ang tumama sa mga ito.
“Ginagawa pa ngayon so far wala pa kaming nakukuhang resulta sa Philippine Genome Center,” ayon kay acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
“We are monitoring any developments diyan. ‘Pag nagkaroon ng any findings ia-announce namin ‘yan,” dagdag na pahayag ni Nograles.
Sa ulat, sinabi ng Department of Health (DOH) na may 253 biyahero mula South Africa, tatlo mula Burkina Faso, at 541 mula Egypt ang dumating sa bansa mula Nobyembre 15 hanggang Nobyembre 29.
Ayon sa DOH, ang bawat bansa na nabanggit ay may isang byaherong nagpositibo sa COVID-19 —isa sa bilang ng 253 mula South Africa, isa mula sa bilang na 541 mula Egypt, at isa mula sa tatlong galing sa Burkina Faso.
Ang Omicron variant ay unang natuklasan sa South Africa dahilan para kaagad na ituring na variant of concern ng World Health Organization. (CHRISTIAN DALE)
