(NI BERNARD TAGUINOD)
NGAYONG tapos na ang 2020 national budget, nakatutok na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagpapatibay sa mga pet bills ng Malacanang tulad ng pagpapataas sa sahod ng mga state workers at pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa Mayo 2020.
Ito ang nabatid sa tanggapan ni House Majority leader Ferdinand Martin Romualdez, matapos ang Legislative-Executive Coordinating Council (LECC) ng dalawang Kapulungan ukol sa mga panukalang batas na uunahing ipasa.
Bukod sa mga nabanggit na panukala, nakalinya rin ang pagtatag ng Department of Overseas Filipino Workers (OFWs) na sinimulan nang dinggin ng Kamara at free legal assistance sa mga miyembro Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa mambabatas, nagpasya ang liderato nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Senate Presidente Vicente ‘Tito’ Sotto III na unahin ang mga nabanggit na panukala kung saan target na maipasa ang mga ito bago matapos ang taon.
“Let’s wait the official communication from the Palace about the final list of priority legislative measures it would be submitting to Congress. These are just the initial list. In the meantime, we agreed to pursue these as our common priority measures,” ani Romualdez.
Ang Kongreso ay maglalaan umano ng P110 Billion para sa Salary Standardization Law (SSL) 5 ng mga civilian workers sa gobyerno kung saan target na bigyan ng tig-5 porsyento na dagdag na sahod sa loob ng 3 taon.
Plano ring iurong sa Mayo 2023 ang eleksyon sa Barangay at SK na dapat gawin sa Mayo 2020 o karagdagang tatlong taon na pananatili ng lahat ng mga barangay at SK officials sa kanilang posisyon.
Nakasalang na rin sa committee level ang pagtatatag ng DOFW na ang layon ay matutukan ang kapakanan at interes ng mga tinaguriang bagong bayani habang isasalang na rin umano ang libreng legal assistance sa mga miyembro ng AFP.
139