PHILHEALTH BUDGET HAHARANGIN

(NI ABBY MENDOZA)

SA pagsisimula ng budget hearing sa susunod na Linggo, agad na nagbanta si
Anakalusugan Partylist Rep.Mike Defensor na haharangin ang pondo para sa 2020 ng Philippine Health Insurance Corp. ( Philhealth).

Ang banta ng mambabatas ay kasunod na rin ng anomalyang kinasasangkutan ng Philhealth lalo sa mga ghost beneficiaries.

Isa pa sa isyung nais linawin ni Defensor sa oras na sumalang sa budget deliberations ang Philhealth ay ang ginawa nitong pagpigil sa Commission on Audit (CoA) na suriin ang 2018 benefit claims expenses nito.

Ani Defensor, kanyang kukumbinsihin ang Committee on Health na harangin ang pondo ng Philhealth hangga’t hindi naipaliliwanag ng mga opisyal nito kung paano ginastos ang benefit expenses.

Base umano sa report na hawak ni Defensor, gustong suriin ng COA ang All Case Rates (ACRs) transactions o ang data base na naglalaman ng lahat ng medical claims sa Philhealth noong nakaraang taon na may inilaang budget na P62.693 billion ngunit hindi ito pinapayagan ng Philhealth.

Ani Defensor kaduda-duda ang makailang ulit na nagpaabot ng verbal at written request ng state auditor na ma-access ang buong ACRs ng tanggapan ngunit hindi ito tumatalima.

Ang aksiyon umano ng Philhealth ay tila pagpapatibay lamang sa mga anomalya na bumabalot sa ahensya.

29

Related posts

Leave a Comment