TALIWAS sa mga lumabas na ulat, walang planong umangkat ang pamahalaan ng sardinas mula sa ibayong dagat.
Katwiran ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), isang kawanihan sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agriculture (DA), may sapat na supply ng sardinas sa merkado hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.
Sa kalatas ng BFAR, iginiit ng ahensya na wala silang nakikitang dahilan para umangkat ng sridinas lalo pa’t may kakayahan ang mga Pilipinong mangingisda na tugunan ang 293,431 metriko toneladang taunang demand.
Paglalarawan pa ng BFAR, ang mga binebentang sardinas sa mga pamilihang bayan ay pawang “locally produced.”
“Ang volume, na ganap na pinanggalingan sa lokal, ay mula sa komersyal at munisipal na mangingisda, sa 208,387 metric tons at 85,043 MT share,” ayon sa DA-BFAR.
Sa pagtataya ng BFAR, hindi magiging mahirap para sa mga lokal na mangingisda na tugunan ang nalalabing 101,367 metriko toneladang demand sa nalalabing mga buwan ng 2022. Gayundin ang paniwala ng Philippine Statistics Authority (PSA) batay sa inilabas na resulta ng pag-aaral ng naturang ahensya.
“Walang kakulangan sa sardinas, dahil ang sufficiency level para sa sardinas o tamban ay naka-pegged sa 222.58% para sa unang quarter ng 2022, at 409.06% para sa 2nd quarter,” dagdag nito.
Para sa BFAR, malaking bentahe para sa matatag na supply ng tamban (na karaniwang ginagawang sardinas) ang umiiral na National Sardine Management Plan.
“Mula nang ipatupad ito noong 2020, isang kapansin-pansing pagpapabuti sa produksyon at suplay ang naitala,” pahabol pa ng kagawaran. (PAOLO SANTOS)
266