PILOT IMPLEMENTATION NG ANGKAS, UMPISA NA SA HUNYO

angkas12

(NI KEVIN COLLANTES)

INIHAYAG ng Department of Transportation (DOTr) na sisimulan na ang pilot implementation ng ‘motorcycle taxi’ o mas kilala sa tawag na ‘Angkas,’ sa bansa, sa Hunyo.

Inaprubahan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pilot implementation base na rin sa rekomendasyon ng Technical Working Group (TWG), na binubuo ng mga kinatawan mula sa DOTr, Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG), Metro Manila Development Authority (MMDA), Senado, Kongreso, commuter welfare groups, road safety advocates, motorcycle manufacturers, motorcycle organizations, at law schools.

Nilagdaan na rin umano ni Tugade ang general guidelines sa pilot implementation,  kasunod ng pagpapatupad ng naaayong public awareness campaign.

Ayon sa DOTr, magtatagal ng anim na buwan ang pilot implementation at masasakop nito ang Metro Manila at Metro Cebu.

Nakapaloob sa general guidelines para sa pilot implementation ang ilang safety requirements para sa motorcycle taxi driver at pasahero, kabilang dito ang pagsuot ng safety gear na naaayon sa batas katulad ng helmet, reflectorized vest, at vest-based strap o belt; pagsunod sa speed limit na 60 kilometers per hour; pagmantine sa maayos na kondisyon ng motorsiklo; at pagsuot ng akmang uniporme ng mga driver.

Hindi rin dapat hihigit sa 10-oras kada araw ang pagbiyahe ng mga rider, at kinakailangan ring may accident insurance ang motorcycle taxi, sa halagang kapareho o mas mataas pa sa singil ng Passenger Personal Accident Insurance Program (PPAIP).

Anang DOTr, sa ilalim ng pilot implementation, aabot sa P50 ang singil sa unang dalawang kilometrong biyahe sa Metro Manila; P10/km hanggang pitong kilometro; at P15 para sa mga susunod pang kilometro.

Para naman sa Metro Cebu, P20 ang singil sa unang kilometro; P16/km hanggang walong kilometro; at P20/km sa mga destinasyong laGpas sa walong kilometro.

Dahil “dynamic” umano ang singilan, batay sa supply at demand, magpapataw ng 1.5x cap sa surge o pag-akyat ng singil, ngunit may kapangyarihan ang LTFRB na repasuhin at rebisahin ito.

Ang naturang pilot implementation ay inaasahang lalahukan ng may 27,000 riders mula sa Metro Manila at Metro Cebu.

Ayon sa DOTr, ang isasagawang pilot implementation ng motorcycle taxi operations ang magsisilbing batayan ng mga panukalang batas sa Mataas at Mababang Kapulungan kabilang na ang Senate Bill No. 2180 ni Senador Joseph Victor ‘JV’ Ejercito, kaugnay ng regulasyon ng motorcycle taxi industry sa bansa.

Matatandaang una nang kinausap ni Ejercito ang DOTr upang pag-aralan ang pag-aapruba at pag-regulate ng mga motorcycle taxi sa bansa.

Sinabi naman ni Tugade na ang pag-apruba sa pilot implementation ng motorcycle taxi operations ay patunay na ang gobyerno ay nakikinig at tumutugon sa mga hinaing at suhestyon ng mga mamamayan.

Binigyang-diin din ni Tugade ang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa mga ride-hailing service bilang pampublikong transportasyon at dapat na sumunod ang mga ito sa itinatakdang safety requirements sa kanilang operasyon.

Nagbabala pa si Tugade na hindi sila magdadalawang-isip na itigil ang pilot implementation kung pumalya sila o hindi sumunod sa itinatakda nilang pamantayan.

“Huwag ninyong sayangin ang tiwalang ipinagkaloob namin sa inyo sa pagbibigay ng serbisyo publiko sa mga commuter. Pangunahing responsibilidad natin ang kaligtasan ng publiko. Kaya kapag pumalya kayo sa pamantayan natin, we will not have second thoughts on halting the pilot implementation,” babala pa ni Tugade.

 

83

Related posts

Leave a Comment