PINAS MAIIPIT SA AWAY NG US AT CHINA

(JESSE KABEL RUIZ)

NAPIPINTONG maipit sa pagitan ng dalawang nag-uumpugang bato ang Pilipinas bunsod ng itinakdang pagpapalawak ng access ng pwersang Amerikano sa mga base militar ng bansa.

Partikular na tinukoy ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang kasunduang hudyat para sa pagbabalik ng West Philippine Sea Joint Maritime Patrol sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, batay sa kumpirmasyon ng US Defense Department.

Sa pagbisita sa bansa ni US Defense Sec. Lloyd Austin III, inihayag ang pagpapalawak ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagbibigay pahintulot na makapasok at maglagay ng defense assets sa mga base militar ng bansa ang mga sundalong Kano.

Paniwala ng grupong komunista, ang pinalawig na EDCA ay malinaw na pahiwatig ng isang napipintong giyera kung saan magiging target ng mga mapaminsalang sandata ng mga Tsino ang Pilipinas.

Ayon naman sa grupong Gabriela, bahagi ng military expansionism ng Estados Unidos ang pinalawig na EDCA sa Timog-Silangang Asya.

Una nang umalma ang China sa umano’y mapanirang panghihimasok ng US na nagpapataas ng tensyon sa rehiyon sa Pasipiko, kasabay ng pasaring sa administrasyong Marcos hinggil sa anila’y pagpabor ng Pilipinas sa imperyalistang estado.

“It is hoped that the Philippine side stays vigilant and resists from being taken advantage of and dragged into trouble waters,” saad sa isang bahagi ng pahayag na inilabas ng Chinese Embassy.

Dagdag pa ng tagapagsalita ng embahada, siniraan di umano ng US Defense Secretary ang bansang China sa isyu ng South China Sea sa hangaring isulong ang anti-China political agenda ng US.

Bukod sa mga base militar, pinayagan rin ng Pilipinas sa ilalim ng pinalawig na EDCA ang US na magkaroon ng temporary military base sa pinagtatalunang West Philippine Sea.

221

Related posts

Leave a Comment