DPA Ni Bernard taguinod
NABENTA na ba talaga tayo dahil tila ang lakas ng loob ng China na diktahan tayo kung ano ang dapat nating gawin para maprotektahan ang ating seguridad na kanilang sinasalaula dahil alam nilang wala tayong laban sa kanilang military might?
Ang lakas ng loob ng China na balaan tayo at dahan-dahan sa pakikipag-ugnayan sa Amerika nang pumunta dito si US Defense Secretary Lloyd Austin para ikasa ang karagdagang apat na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) locations sa Pinas. Hu u?
Dehadong-dehado tayo sa China sa West Philippine Sea (WPS) dahil wala tayong sapat na kapasidad para idepensa ang ating territorial waters na inaangkin nila nang buong-buo. Kung sinasamantala ng Amerika ang troubled water para gamitin ang Pinas para mapalakas ang kanilang puwersa sa Asya Pasipiko tulad ng iniiyak ng Chinese Embassy sa Pinas, sinasamantala din naman nila ang kahinaan ng ating military para sakupin ang WPS.
Gusto ng China, wala tayong makakatuwang sa pagdepensa sa ating karapatan dahil kayang-kaya nila tayo kaya tutol sila sa pagtulong ng Amerika na mapalakas ang ating puwersa militar.
Bago ibinasura ng Senado ang ekstensyon ng US military bases sa Pilipinas noong 1991, nagkakaroon ng regular joint patrol ng dalawang bansa sa WPS kaya hindi nakaporma ang China.
Apat na taon pagkatapos palayasin ng mga senador ang US Bases, nagsimula nang magtayo ng military facilities ang China sa loob mismo ng teritoryo ng Pilipinas at sa paglipas ng mahabang panahon, naitayo na nila ang isang military city sa WPS.
Kung baga, sila ang nakinabang sa pag-alis ng US Bases kaya hanggang sa ang Scarborough Shoal na traditional fishing ground ng mga Pilipino, ay sinakop na nila at bantay-sarado na ng kanilang Navy at Coast Guard.
Ngayong nagbabalik ang puwersa ng Amerika sa Pinas, tutol sila. Bakit? Dahil mapupurnada ang kanilang ultimate mission na tayuan ng pasilidad at kontrolin ang lahat ng mga reef sa WPS, maging ‘yung mga nasa malapit sa ating mainland.
Sige, ipagpalagay natin na ang pagpapalakas ng US ng kanilang puwersa sa Pinas ay para madali silang makaresponde kapag ginera ng China ang Taiwan, na ayon sa isang US military officials ay posibleng mangyari pagsapit ng 2025 o dalawang taon mula ngayon.
‘Yan marahil ang dahilan kaya dalawa sa EDCA locations ay nasa Cagayan province pero palagay ko malaki rin ang pakinabang ng Pilipinas dahil maidedepensa natin ang ating sarili sa katusuhan ng China at baka mabawi natin ang teritoryo na kanilang inangkin at sinakop.
Saka mahalaga ang presensya ng US Forces sa Cagayan dahil kapag nagtagumpay ang China na makontrol ang Taiwan, magkakaroon na sila ng access sa Philippine Sea patungo sa Benham o Philippine Rise na mayaman sa langis at mineral at mapapalibutan na tayo sa puwersa ng China.
Kaya ‘yung nagsasabi na baka maipit tayo sa giyera ng China at US kapag nagkataon, kahit anong gawin natin ay madadamay tayo kahit sino pa ang kampihan natin sa dalawang bansang ito.
Mas maigi siguro na kumampi na lang tayo sa Amerika na hindi siguro kasing tuso ng China at walang ambisyon na angkinin ang WPS na isa sa pag-asa ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino. Mamili kayo, China o Amerika!
