HINDI isinasantabi ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang posibilidad na drug den na ang susunod na patatakbuhin ng mga Chinese national dahil sa patuloy na paglabag ng mga ito sa ating batas tulad ng pagpapatakbo ng prostitution den.
Ginawa ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap ang nasabing pahayag matapos muling makahuli ang Makati Police ng prostitution den na ang mga kliyente ay mga Chinese national at nagtatrabaho sa mga Philippines Offshore Gaming Operations (POGO).
“Nananawagan tayo sa ating kapulisan at sa mga lokal na pamahalaan na mas patindihin ang pagbabantay sa mga ganitong uri ng establishments sa bansa. Hindi natin alam baka sa susunod hindi na prostitution den ang mahuli natin at baka mga drug den na,” ani Yap.
Noong nakaraang taon ay sunud-sunod ang raid na isinagawa ng mga otoridad sa mga prostitution den sa Makati City na pinatatakbo ng mga Chinese national na ang mga kliyente ay POGO workers.
“Yung panibagong kaso ng prostitution den sa Makati na ang mga kliyente ay POGO workers ay isang malinaw na patunay na wala silang takot sa umiiral na mga batas natin,” ayon sa kongresista.
Dahil dito, kailangan aniyang paigtingin ng mga otoridad ang kanilang pagbabantay sa kilos ng mga Chinese dahil kung hindi ay posibleng mas malala pa ang kanilang gagawing krimen tulad ng pagpapatakbo ng drug den.
Iminungkahi rin ng mambabatas na kung hindi titigil ang mga dayuhang ito sa paglabag sa ating batas ay hindi lamang moratorium aniya ang dapat gawin sa mga POGO kundi tuluyang itigil ang pag-iisyu ng mga bagong lisensya sa POGO operators. (BERNARD TAGUINOD)
149