(NI ABBY MENDOZA)
ISANG panukala na magbibigay kapangyarihan sa Philippine National Police(PNP) at National Bureau of Investigation(NBI) na makapagsagawa ng electronic at communications surveillance sa mga cyber criminals na sangkot sa human trafficking at sexual exploitation ang isinusulong sa Kamara.
Ayon kay Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy, may akda ng House Bill 5651, magtatagumpay ang kampanya laban sa human trafficking at sexual exploitation kung mismong mga awtoridad ay mayroon ding kakayahan gaya ng mga ginagawa ng mga cyber criminals.
Sa panukala ni Herrera-Dy ay hinihiling nito na bigyan ng awtorisasyon ng korte ang PNP at NBI na makapagsagawa ng electronic monitoring sa mga sangkot sa human trafficking gayundin ay nais nitong isama bilang miyembro ng Inter Agency Council on Trafficking ang mga opisyal ng DICT, DoTr, DOH, OWWA, at NBI.
“House Bill 5651 empowers the courts, PNP, and NBI to fight the cyber criminals using the new technologies the criminals also have. This law updates the crime-fighting capabilities of the PNP, NBI and the courts. Adding the heads of other agencies to the membership of the Inter-Agency Council on Trafficking will also help for a more holistic approach to fighting human trafficking,” paliwanag ni Herrera-Dy.
Sa oras na maisabatas ang panukala ng lady solon ay aamyendahan nito ang ilang probisyon sa Republic Act 9208 o ang Anti Human Trafficking Law.
“Kinailangan ang mga amendments na ito para bigyang-kakayahan ang PNP at NBI na labanan ang human traffickers and sex predators sa internet, social media, mobile messaging, at lahat ng sulok ng cyberspace. Naroon ang mga kriminal kaya doon din sila dapat tugisin, manmanan, at labanan ng PNP at NBI,”pagtatapos pa ni Herrera.
274