(NI NICK ECHEVARRIA)
IPINATUPAD na ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa nitong Martes ang suspension order na ipinalabas ng Office of the Ombudsman laban kay Northern Mindanao police regional director, Brig. Gen. Rafael Santiago.
Ayon kay Gamboa, si Santiago ay sinuspinde ng anim na buwan kaugnay sa kasong may kinalaman sa logistics na isinampa noon pang 2012.
“Yes, he was relieved because he has a suspension order that came out that was dated October 21, 2019. And sayang din (it is a waste) because he was a very good performer but we have to implement the suspension order for six months, even if he is retirable by May of next year, I have no other recourse but to implement it. We will be implementing our new regional director on Thursday,” pahayag ni Gamboa.
Matatandaan na nitong Lunes itinanggi ni Gamboa sa isang press briefing sa Camp Crame ang mga akusasyon na may nangyaring “bata-bata” system sa katatapos lamang na malawakang revamp sa hanap ng PNP kamakailan.
Sa katunayan, ayon kay Gamboa dalawa sa kanyang classmates ang naapektuhan din sa nasabing balasahan sa hanay ng mga matataas na opisyal ng PNP na sina P/MGen. Amador Corpus at P/BGen. Edward Carranza.
Si Corpus ay nailipat mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para pamunuan ang Directorate for Human Resource and Doctrine Development habang si Carranza naman ay itinalaga sa Logistics Support Service mula sa pagiging regional director nito sa Region 4 (Calabarzon).
Si Gamboa at si Santiago ay mag-mistah din sa Philippine Military Academy class of 1986.
Tiniyak din ni Gamboa na wala nang nangyayaring “bata-bata” system o favoritism sa PNP at hindi na ito dapat mangyari.
Nauna nang binigyan ng kapangyarihan ng National Police Commission (Napolcom) si Gamboa para magpatupad ng balasahan kung saan mahigit 20 matataas na opisyal ng PNP ang naapektuhan kasabay ng pagsasailalim sa 3 month probationary period.
195