(NI KEVIN COLLANTES)
HINDI ipinagbabawal ng Department of Education (DepEd), ngunit ‘highly discouraged’ naman ang pag-iimbita ng mga kandidato sa graduation rites ng mga mag-aaral ngayong School Year 2018-2019.Ito ang ginawang paglilinaw ng DepEd sa isang kalatas, kasunod na rin ng nauna nitong kautusan na bawal gawing political forum ang end-of-school-year (EOSY) ceremonies sa mga paaralan, gaya ng moving up at graduation rites.
Ayon sa DepEd, hindi nila inirerekomenda ang pag-iimbita ng mga kandidato sa graduation ng mga mag-aaral dahil maaari itong ma-misinterpret ng mga tao bilang pag-endorso ng kandidato ng mga principal at mga guro.
“Inviting candidates to graduations is not prohibited per se, but it is highly discouraged this election season because it may be misinterpreted as endorsement of candidate by our principals and teachers,” nakasaad sa kalatas ng DepEd.
Babala naman ng departamento sa mga prinsipal at mga guro, sakaling ang imbitasyon o pagdalo ng kandidato sa mga naturang aktibidad ay suportado ng balidong rason, hindi naman ito dapat na mauwi sa pag-endorso ng naturang kandidato, o panghihingi ng boto mula sa mga taong dadalo sa okasyon.
“However, if invitation and attendance of a candidate is supported by valid and compelling reason, our officials are warned that this cannot degenerate into an endorsement or solicitation of votes,” pahayag pa ng DepEd.
Ipinaalala pa ng DepEd na ang iimbitahing graduation speaker ay dapat ding manatili lamang sa tema ng graduation ceremony at hindi dapat na magdala ng anumang campaign material o paraphernalia.
“The graduation speaker should stick to theme, and not bring campaign materials or paraphernalia. The acts of electioneering and partisan politics are enumerated in earlier issued Department of Education (DepEd) Memorandum, and all officers and employees of DepEd are enjoined to be guided accordingly,” dagdag pa ng DepEd.
Matatandaang alinsunod sa DepEd Order No. 002, series of 2019, na may titulong ‘School Year 2018-2019 K to 12 Basic Education Program End of School Year (EOSY) Rites,’ sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na dapat na iwasan ang pamumulitika at panatilihin ang solemnity ng moving up at graduation ceremony para sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang.
“Further, the EOSY rites and moving up or completion ceremony shall be conducted in an appropriate solemn ceremony befitting the learners and their parents and shall not be used as a political forum,” nakasaad sa memorandum ni Briones.
Nabatid na ang moving up at graduation ceremonies ngayong taon, ay may temang ‘Pagkakaisa sa Pagkakaiba-iba: Kalidad na Edukasyon para sa Lahat.”
Itinakda ito ng DepEd sa pagitan ng Abril 1 at Abril 5, ngunit natapat ito sa panahon ng kampanyahan para sa midterm elections sa Mayo 13.
200