Public inquiry sa 2022 elex inilutang BIGGEST SCAM SA ELECTORAL HISTORY – EX-DICT OIC RIO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

LUMALAKAS ang suporta sa tinaguriang TNTrio o Truth and Transparency Trio na kinabibilangan nina dating DICT Usec. Eliseo Rio Jr., dating NAMFREL Chairman Gus Lagman, at Franklin Ysaac, dating pangulo ng Financial Executives Institute of the Philippines na humihingi ng paliwanag kaugnay sa halalan noong 2022.

Sa social media, may mga nagsasabing dapat makiisa na ang sambayanan upang mabigyang linaw ang mga katanungan ng grupo partikular sa napakabilis na transmission ng resulta ng halalan.

Post ng mamamahayag na si Tony Velasquez, “I’ve been seeing several veteran columnists/political observers writing about the analysis of ex DICT OIC Eliseo Rio of the alleged inconsistencies in the 2022 automated election process. Will this lead to a full blown public inquiry? I certainly hope so”.

Sa pagbubunyag ng TNTrio, bulto ng precinct results ng Metro Manila at dalawang lalawigan sa 2022 presidential election, ang ilegal na nagmula sa iisang private IP address.

Ito ay patunay umano na may nangyaring dayaan sa nakaraang eleksyon.

Ibinuod ni Rio ang kanyang “findings” sa 22 slides, “Uncovering the Biggest Scam in our Electoral History” na kanyang iprinisinta noong nakaraang Linggo, Hulyo 23, sa Global Transparency and Transformation Advocates Network.

Tinalakay rin ito ng kolumnista na si Jarius Bondoc.

Sa pagsasaliksik ng grupo ni Rio, natuklasan nila na bulto ng precinct results sa Metro Manila at dalawang lalawigan ang ilegal na nagmula sa iisang private IP address.

Ito ay patunay umano na may iregularidad sa nakaraang eleksyon na dapat ipaliwanag ng Comelec.

Nadiskubre umano ng kanyang team ng computer forensic examiners na:

• 98.8 percent ng Metro Manila precinct results ay natanggap mula lamang sa iisang private IP (internet protocol) address, 192.168.0.2.

• 95.5 percent ng Cavite results ay nagmula sa kaparehong IP address, 192.168.0.2.

• 81 percent ng Batangas results ay nagmula rin sa 192.168.0.2.

• Habang ang nalalabing resulta mula sa Metro Manila, Cavite ay mula sa ibang private IP addresses na nagsisimula sa “10.”

• Ang 192.168.0.2 ay ginamit sa lahat ng iba pang mga lalawigan na “misteryosong” nagpadala ng mga resulta sa loob ng isang oras makaraang matapos ang eleksyon dakong alas-7:00 ng gabi.

“It is now clear why Comelec cannot show the telcos’ Transmission Logs as Chairman George Garcia promised in Oct. 18, 2022,” ayon kay Rio.”[Transmission logs] will show that most election returns received by the Transparency Server in the first hour of counting did not pass the networks of the telcos, but were preloaded by a secret man-in-the-middle gateway, a gatekeeper, with private IP address 192.168.0.2.

“Whoever manipulated the Transparency Server results already knew the outcome of the 2022 election even before votes were counted.”

Para sa security reasons, hindi ibinunyag ni Rio ang pagkakakilanlan ng kanyang examiners, maliban sa US-based retired specialist na si Oscar Santos, na aniya’y “isang makabayan”.

Gamit ang Excel at iba pang software, nagsagawa sila ng ‘crosschecking’ sa raw files na may time-stamped Transparency Server reception logs.

Kabilang sa mga nadiskubre ang:

• Sa Metro Manila’s 8,753 VCMs, 8,644 ang may kaparehong

IP address 192.168.0.2. Isangdaan at siyam na VCMs ang may ibang private IP addresses na nagsisimula sa “10,” maaaring ipinadala nang batches o isang padalahan lamang. Ang IP addresses ng nalalabing 1,709 ay nirerebyu pa.

Sa 8,644 VCMs, 5,913 ang ipinadala ang resulta sa loob ng isang oras makaraan ang pagsasara ng presinto. “An impossibility,” pahayag ni Rio, dahil kailangan munang magsagawa ang precinct inspector ng nine time-consuming tasks, kabilang ang printing ng walong kopya ng election returns, bago ang pag-transmit nito.

• Sa Cavite’s 3,371 VCMs, 3,219 ang may IP address 192.168.0.2. Isang daan at limangpu’t dalawang VCMs ang ipinadala sa ibang IP addresses na nagsisimula sa “10,” sa isang padalahan lamang o nang batches. Sa 3,219 VCMs, 2,403 ang na-transmit sa loob ng unang isang oras.

• Sa Batangas’ 2,858 VCMs, 2,316 ang ipinadala sa pamamagitan ng IP address 192.168.0.2. Limang daan at tatlumpu’t limang VCMs ang may ibang IP addresses na nagsisimula sa “10.” Ang IP addresses ng pito pa ay dinetermina pa.

Ang “man-in-the-middle” o “intervening router/server” ay ilegal ayon kay Rio. (Makikita ito sa slides 16-17). Noong 2019, espisipikong ibinawal ni Rio ang anomang katulad na “meet-me room or router.”

“Comelec broke the 2008 Automated Election Systems Law and consequent general instructions,” dagdag ni Rio. “To think that it contracted Smartmatic for P1.053 billion for secure electronic transmission services.”

Ang raw files ay nasa Comelec’s website pa rin. “They can’t take it down; it would be more suspicious,” aniya. “Whoever uploaded it is a whistle-blower who wanted info-technologists to dissect the anomalies,” aniya pa.

Si Comelec Commissioner George Erwin Garcia, dating election lawyer ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay itinalaga apat na buwan matapos manumpa ang pangulo.

Bilang tugon kay Rio, sinabi ng Comelec na dapat kunin ni Rio ang audit logs ng Eleksyon 2022 para masagot na ang mga tanong at pagdududa nito sa integridad ng halalan.

156

Related posts

Leave a Comment