(NI BERNARD TAGUINOD)
SA halip na lumaki ang puwersa, nabawasan pa ang bilang ng mga miyembro ng Liberal Party (LP) sa Mababang Kapulungan g Kongreso sa 18th Congress.
Ito ang nabatid ng Saksi Ngayon dahil umaabot lamang sa 18 LP congressional candidate ang nanalo sa katatapos na halalan sa iba’t ibang distrito sa bansa.
Sa kasalukuyan ay 20 ang miyembro ng LP ngayong 17th Congress na nakatakdang matapos sa tanghali ng Hunyo 30, 2019 kaya kinapos pa ang partido ng kanilang bilang sa 18th Congress.
Kabilang sa mga LP members na nanalo sa katatapos na halalan ay sina Quezon City Rep. Kit Belmonte, Edgar Erice ng Caloocan, Kid Pena ng Makati City, Stella Quimbo ng Marikina City, Blue Abaya ng Cavite, Cheryl Deloso ng Zambales, Josephine Sato ng Occidental Mindoro, Boy Umali ng Oriental Mindoro
Kasama din dito sina Edcel Lagman ng Albay, Gabriel Bordado ng Camarines Sur, Tawe Billones ng Capiz, Josy Limkaichong ng Negros Oriental, Edgardo Chatto ng Bohol, Raul del Mar ng Cebu City, Paul Daza ng Northern Samar, Edgar Sarmiento ng Samar, Isagani Amatong ng Zamboanga del Norte at Mujiv Hataman ng Basilan.
Noong panahon ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III , ang LP ang may pinakamaraming miyembro ng Kongreso subalit 20 lamang ang naiwan nang manalo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential election matapos maglipatan ang mga ito sa administration party na PDP-Laban.
Hindi rin lahat ng LP members ay tumayong minority sa Kamara dahil tanging sina Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Erice at Lagman ang nasa oposisyon habang ang natitira ay sumama sa supermajority na pinamumunuan ng mga lider ng PDP-Laban.
Naging independent na lamang ang mga ito noong si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na ang nahalal na pinuno ng Kamara matapos makudeta si dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
151