Quarantine walang silbi kung walang mass testing – solon IATF SURRENDER SA COVID-19?

ITINUTURING ng isang mambabatas na pagwagayway ng bandila na indikasyon ng pagsurender sa laban ng COVID-19 ang kawalan ng plano ng Inter-Agency Task Force (IATF) na magsagawa ng mass testing.

Ginawa ni Agusan del Sur Rep. Lawrence Fortun ang pahayag matapos sabihin ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi magkakaroon ng mass testing upang malaman kung sino-sino ang tinamaan ng COVID-19 at ma-isolate ang mga ito upang hindi na makapanghawa.

Umaasa ang mambabatas na magbabago pa ang isip ng IATF at ituloy ang mass testing at huwag aniya nitong ipasa ang responsibilidad sa mga employer dahil lugmok na rin ang mga ito.

Ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro, hindi katanggap-tanggap na wala sa plano ng gobyerno na magsagawa ng mass testing dahil lahat aniya ng sakripisyo ng taumbayan sa mahigit dalawang buwan na pagka-quarantine ay mababalewala.

“Para saan pa ang community quarantine kung walang mass testing at malinaw na planong medikal ang gobyerno?,” ani Castro.

Ikinabahala rin ng mga senador ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang programa ang pamahalaan para sa mass testing kaugnay sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, ang kawalan ng malinaw na istratehiya laban sa COVID-19 ay mistulang pagtanggap na ng pagkatalo nang hindi man lamang lumalaban.

“The absence of strategy for COVID-19 surveillance is like admitting defeat without putting up a fight,”saad ni Villanueva.

Iginiit pa nito na hindi maaaring ipasa sa pribadong sektor ang responsibilidad sa mass testing at dapat ang gobyerno ang maglatag ng strategic plan.

Ipinaalala naman ni Senador Ralph Recto na alinsunod sa Bayanihan To Heal as One act, mandato ng gobyerno na palakasin ang testing capacity upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

MALAKANYANG KUMAMBYO

Agad namang nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang ulat na walang programa ang pamahalaan sa mass testing at ipinauubaya nila ito sa pribadong sektor.

Sinabi ni Sec. Roque na ang tinutukoy niyang programa sa mass testing ay pag-test sa lahat ng mamamayan ng bansa na tulad ng tinangkang gawin ng Wuhan sa 11-milyon nilang mamamayan.

Binigyang diin nito na wala naman aniyang bansa sa mundo ang mayroong programa at kakayanan na i-COVID-19 test ang lahat ng kanilang mamamayan.

Aniya, ang sinusundan nilang yapak ay sa South Korea na i-test ang 0.5% hanggang 2% ng kanilang papulasyon.

Iginiit ni Roque na target na maabot ng bansa ang 30,000 COVID-19 test kada araw sa katapusan ng Mayo.

Sa ulat, isinusulong ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na gawing prayoridad sa mass testing para sa COVID-19 ang mga empleyado. BERNARD TAGUINOD, DANG GARCIA, CHRISTIAN DALE

70

Related posts

Leave a Comment