QUEZON HINAGUPIT NG BAGYONG AGHON

MATINDING hinagupit ng bagyong Aghon ang lalawigan ng Quezon at naramdaman din ito sa iba pang mga bahagi ng bansa.

Halos magdamag na inulan ang maraming bahagi ng lalawigan nitong Sabado ng gabi kasabay ang malakas na bugso ng hangin.

Bandang madaling araw, habang papalapit sa may bahagi ng Central Quezon si Aghon, lalong tumindi ang ulan at ang malakas na bugso ng hangin na nagdulot ng maraming pinsala at mga pagbaha.

Halos nag-zero visibility sa mga lansangan. Nagbagsakan ang mga pananim, puno at binaha na rin ang mga palayan at ilang bahagi ng highway. Pati mga linya ng kuryente ay marami ang naputol.

Sa bayan ng Sariaya, binaha ang bahagi ng Eco tourism road sa Barangay Guisguis. Natumba rin ang isang malaking puno ng akasya na humarang sa daan. Halos may 2 oras ding stranded ang mga sasakyan.

Agad namang nagsagawa ng clearing operation ang mga tauhan ng DPWH.

Sa Lucena City, maraming barangay ang nalubog na sa tubig-baha bunsod ng pag ulan.

Nagsimulang hagupitin ng malakas na hangin at bumuhos ang malakas na ulan mula gabi hanggang dakong alas-12:00 ng tanghali.

Kabilang sa mga barangay na binaha ang Cotta, Marketview Kanlurang Mayao, Dalahican, Ibabang Dupay at Gulang Gulang.

Gayundin ang ilang barangay sa City proper mula Barangay 1 hanggang 10.

Ilan sa mga lugar ay umabot ng hanggang bubong ang tubig baha.

Hanggang kahapon ng tanghali ay patuloy ang paglikas ng mga apektadong residente sa evacuation centers.

Sa Bayan ng Pagbilao, kaagad ding nagsagawa ng force evacuation at rescue ang Pagbilao MDRRMO matapos na bahain ang ilang barangay.

Kabilang sa binaha ang ang Barangay Talipan nang biglang umapaw ang tubig sa mga irrigation canal na nagmumula sa laylayan ng Bundok Banahaw sa may Lungsod ng Tayabas.

Samatala, marami rin sa mga bayan ng Quezon, kasama na ang Lucena City, ang nawalan ng suplay ng kuryente.

Red Alert Status

Kaugnay nito, inilagay sa red alert status simula kahapon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga ahensyang nasa ilalim nito makaraang maging ganap na tropical storm si Bagyong Aghon na nagsimulang manalasa sa mga lalawigan ng Bisaya at Luzon nitong Linggo.

Maging ang Metro Manila ay inilagay sa ilalim ng tropical warning signal number 1 matapos na walong ulit mag-landfall ang tropical storm Aghon kahapon, habang binabaybay ang Eastern Visayas at Southern Luzon. Habang ilang lugar naman ang inilagay sa signal number 2.

“We take this seriously. We don’t leave anything to chance. Ang ibig sabihin lang nito, all hands, lahat nandito tapos may mga augmentees pa din tayo from different uniformed services,” pahayag ni Office of Civil Defense (OCD) Director Edgar Posadas sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Nabatid na may isang iniulat na batang nalunod sa San Juan River subalit hindi pa kumpirmado kung may kaugnayan sa bagyo, habang may apat ding iniulat na nasaktan sa Region 5 na patuloy pang bineberipika ng OCD.

Bilang paghahanda sa epekto ng bagyo ay nag-preposition ang NDRRMC ng mahigit P3.4 billion na standby funds para sa pagkain at non-food items, ani Director Posadas.

Sa situational report na inilabas kahapon ng Office of Civil Defense, may 513 families o katumbas ng 2,734 individuals ang direktang naapektuhan ng bagyo sa Bicol at Eastern Visayas regions bunsod ng pagbaha at landslide.

Bahagyang lumakas si Aghon (international name: Ewiniar) kaya inilagay sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang ilang area ng central at northern Quezon, Laguna, at eastern portions ng Rizal at Batangas.

Habang nakataas naman ang Wind Signal No. 1 sa Metro Manila, southeastern Isabela, southern Quirino, southern Nueva Vizcaya, Aurora, eastern at southern Nueva Ecija, southern Bataan, eastern Pampanga, Bulacan, Cavite, northern at central Oriental Mindoro, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, at nalalabing bahagi ng Rizal, Batangas, at Quezon. ((NILOU DEL CARMEN/JESSE KABEL RUIZ)

51

Related posts

Leave a Comment