MARCOS PABOR SA PAG-ANGKAT NG NFA NG BIGAS

HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Kongreso na ipasa ang panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL), na magbibigay pahintulot sa National Food Authority (NFA) na mag-angkat ng bigas at patatagin ang presyo.

Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Marcos na sa oras na payagan ang NFA na mag-angkat ng bigas, makatutulong ito hindi lamang sa mga magsasaka kundi sa pangkalahatang publiko lalo na sa mga consumer, dahil mapatatatag nito ang presyo ng bigas sa merkado.

Ang pag-amyenda sa RTL, ayon sa Pangulo ay isa lamang sa mga hakbang na gagawin ng pamahalaan para mapabuti ang buhay ng mga magsasakang Pilipino sa gitna ng mga hamon sa kanilang kabuhayan.

“Kaya’t kung pagbibigyan tayo ng ating Kongreso na makapag-import na (ang NFA), makikipagsabayan na ito. Ito naman talaga ang unang (dahilan) kung bakit tinayo ang NFA,” ayon kay Pangulong Marcos.

Kamakailan ay inaprubahan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang amyendahan ang RTL, sa ilalim ng House Bill 10381, na mayroong 231 affirmative votes, 3 negative votes, at 1 abstention.

Bukod sa amyendahan ang RTL, sinabi ni Pangulong Marcos na tumitingin din ang gobyerno ng weather-proof rice varieties para palakasin ang produksyon ng bansa.

Magbibigay rin aniya ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng makinarya sa mga magsasaka.

Magbibigay rin ang pamahalaan sa mga magsasaka ng fertilizers at pesticides para maitaas ang kanilang output. (CHRISTIAN DALE)

40

Related posts

Leave a Comment