(NI ABBY MENDOZA)
BILANG suporta sa kampanya laban sa illegal drugs, iminumungkahi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na sumailalim sa drug test ang lahat ng public officials.
Sa pulong ng House Dangerous Drugs, sinabi ni Barzaga na isang resolusyon ang nakabimbin sa Kamara na inihain ni Surigao del Norte Rep. Robert Barbers na nagsusulong ng drug test sa mga miyembro ng Kamara subalit sa resolusyon na kanyang nakatakdang ihain ay lahat ng public officials kabilang ang mga senador, gobernador, mayors at hanggang sa barangay level ay dapat sumailalim sa random drug test.
Aminado si Barzaga na sa hanay ng LGUs ay madali nang ipatupad ang random drug test sa bisa lamang ng isang memorandum of agreement na ipalalabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) kaya sa hanay ng Senado at Kamara ay umaasa siyang susuportahan ang kanyang panukala.
“Hindi kasi madali magpasa ng legislation dahil iba iba ang tingin ng mga mambabatas sa drug test, ang hamon ko lang sa kanila, kung ayaw ng drug test ay pwede nating masabi na may itinatago dahil kung hindi naman sangkot sa drugs ay madali itong magboluntaryo na magpadrug test,” pahayag ni Barzaga.
137