RECORD-HIGH IBINUHOS NA ULAN NG TS KRISTINE

(CHRISTIAN DALE)

NAGPAMALAS ng bagsik ang Bagyong Kristine sa dami ng tubig na ibinuhos nito sa loob lamang ng 24-oras sa lalawigan ng Camarines Norte.

Nabatid sa ulat ng PAGASA, ibinagsak ng Bagyong Kristine ang 528.5 millimeters ng tubig-ulan sa malaking bahagi ng naturang probinsya na itinuturing na record-high.

Malaking bulto ng ulan ang bumuhos sa bayan ng Daet.

Ayon sa weather bureau, huling naranasan ang ganitong volume ng ulan noon pang 1920s.

Naitala naman ang 431 millimeter ng tubig-ulan sa Legazpi City, Albay sa loob din ng 24-oras.

Ang naturang volume ay isa sa pinakamalaking volume ng tubig-ulan na bumuhos sa lungsod. Habang nalubog din sa baha ang malaking bahagi ng Camarines Sur at humigit-kumulang 30% ng populasyon nito ay apektado.

2 Milyon Apektado

Patuloy namang nadaragdagan ang mga apektado ng pananalasa ng Bagyong Kristine.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa 431,738 na pamilya o katumbas ng mahigit 2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.

Ang mga ito ay mula sa 2,124 na barangay sa Region 1 (Ilocos Region) Region 2 (Cagayan Valley) CALABARZON, MIMAROPA, Region 5 (Bicol) Region 6 (Western Visayas) Region 7 (Central Visayas) Region 8 (Eastern Visayas) Region 9 (Zamboanga Peninsula) CARAGA, BARMM at CAR.

Sa nasabing bilang, nasa halos 164,000 mga indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 4,567 na mga evacuation center sa mga nabanggit na rehiyon habang ang nasa 33,000 katao ay mas piniling makituloy sa kanilang kamag-anak o manatili na lang sa tahanan.

Tulong Pahirapan

Samantala, nahihirapan ang ilang local government units (LGUs) na makapaghatid at mamahagi ng food assistance sa mga pamilyang apektado ng bagyo.

Sa katunayan, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na 50,000 family food packs lamang mula sa 170,000 packs na nakatago sa iba’t ibang bodega sa Bicol Region ang nakuha ng LGUs.

“Actually, marami silang request pero nag-aantay kami na kunin nila at pick-up-in nila,” ang sinabi pa ni Gatchalian sa isang panayam.

Sa Camarines Sur, aniya ay dahan-dahang nakukuha ng mga awtoridad ang food packs, subalit nakapokus talaga ang mga ito sa pagsalba sa mga residente na apektado ng bagyo.

Ang signal No.3 ay nakataas sa mahigit sa 16 na lugar sa Luzon habang kumikilos si Kristine patungong Cordillera Administrative Region.

20 Patay

Nakapagtala naman ang mga awtoridad ng 20 kataong nasawi sa Bicol Region.

Ani Gatchalian, may karagdagang 50,000 food packs ang patungo na sa Bicol Region.

“Patuloy kaming nakikipagugnayan sa mga LGUs na kunin na ‘yung mga goods. Ang instruction ng Pangulo naman sa akin kahapon siguraduhin na hindi kami maubusan doon. So habang nag di-distribute tayo ngayon sa mga LGUs, meron na tayong mga goods na papunta ulit ng Bicol,” ang sinabi pa ng Kalihim.

Nilinaw naman ni Gatchalian na ang LGUs ang responsable sa paghahatid ng food packs sa mga pamilya at hindi ang DSWD.

“Ang DSWD, ang role namin is suportahan ang ating mga LGUs kung sakaling kulangin sila ng mga goods. So tayo, nasa warehouse natin ‘yung mga good bago pa tumaman… ‘yung epekto ni Bagyong Kristine,” aniya pa rin.

P10-M Pinsala

Pumalo na sa P10 milyong halaga ng inisyal na pinsala sa agrikultura sa Bicol region ang naitala ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center dahil sa Severe Tropical Storm Kristine (international name: Trami).

“Based on the initial assessment of the DA Regional Field Office in Bicol Region, damage and losses have been reported in rice and corn amounting to PHP9.75 million affecting 234 farmers,” ang nakasaad sa kalatas ng DA-DRRM.

Tinatayang, mayroon namang 598 metric tons (MT) sa 209 ektarya ng rice at corn plantation ang naiulat na napinsala, pagkawala sa rice production na 203 MT na nagkakahalaga ng P9.6 milyon sa Camarines Norte.

Samantala, sa sektor ng mais, 7.50 MT ang nawala sa Camarines Sur na nagkakahalaga ng P167,000.

Tiniyak naman ng DA na mamamagitan ito sa mga apektadong magsasaka kabilang na ang pamamahagi ng agricultural inputs para sa bigas, mais at high-value crops kabilang ang ‘seedlings, drugs, at biologics; PHP25,000 loanable na halaga para sa kada magsasaka na puwedeng bayaran sa loob ng tatlong taon na may zero interest; at indemnification ng insured farmers sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Industry (PCIC).

24-Oras Nakaalerto

Nakatutok 24-oras ang ahensiya ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kasunod ng pananalasa ng Bagyong Kristine.

Ito ang tiniyak ni NDRRMC Spokesperson at Office of the Civil Defense (OCD) Director Edgar Posadas, at ang pagsailalim sa red alert status ng ahensiya ay upang masiguro na matutukan ang mga pangangailangan sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine.

Base sa report ng PAGASA, nasa Philippine Areas of Responsibility (PAR) pa ang bagyo, posibleng ngayong araw (Biyernes) ito lumabas ng bansa.

Samantala, kinumpirma ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bukas na ang ilang paliparan sa Bicol.

Partikular ang paliparan sa Daraga, Virac, Masbate at Naga at maaari na itong gamitin para sa air transport para sa mga relief goods.

Siniguro naman ni Bautista na may mga CAAP personnel silang naka-standby para umasiste sakaling magkaroon ng flights sa mga nasabing paliparan.

Iniulat naman ng Philippine Ports Authority na nasa mahigit 7,000 pa na mga pasahero ang stranded dahil sa bagyo.

Reinforcement Teams

Kaugnay nito, nagpadala na ang Office of Civil Defense (OCD) ng mas maraming reinforcement teams para tumulong sa rescue operations sa mga lugar na apektado ng Severe Tropical Storm ‘Kristine’.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni OCD spokesperson Director Edgar Posadas na nanatiling prayoridad ang nagpapatuloy na rescue efforts sa Bicol.

“Ang challenge pa rin nila doon ay the floodings which are really mataas pa,” aniya pa rin.

“There are enough resources pero, yun nga, sa taas ng baha—these are in Naga and several municipalities in Camarines Sur such as Presentacion, Bula, and the other towns nearby,” ang sinabi pa ni Posadas.

Aniya pa, ang teams at equipment mula sa Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay dineploy para dagdag an at isama sa operasyon ng local government units.

6 District Hospitals Inalerto

Samantala, isinailalim ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa alert status ang six district hospitals at mga health center ng lungsod sa inaasahang epekto ng pananalasa ng Bagyong Kristine.

Inatasan ni Manila Mayor Honey Lacuna si Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan na ihanda ang lahat ng city-run hospitals at health centers para sa pagtanggap ng posibleng typhoon-related illnesses maliban pa sa mga regular na kaso.

Nabatid na sa kabila na sinuspinde ng Malacañang ang lahat ng pasok sa tanggapan ng gobyerno, ang Manila city government ay nagpanatili ng skeletal forces para maglingkod kung kinakailangan.

Bukod kay Dr. Pangan, Manila Disaster Risk Reduction Management Office chief Arnel Angeles, social welfare department head Re Fugoso, department of public services chief Jonathan Garzo, Manila Traffic and Parking Bureau Director Narciso Diokno at City Engineer Moises Alcantara ay inatasan na para mag-monitor ng sitwasyon at agad na umaksyon kung kinakailangan.

Sinabi naman nina Alcantara at Angeles na ang mga team mula sa kanilang tanggapan ay nag-iikot upang tingnan kung may mga bumabagsak na puno at kable ng kuryente na magsisilbing obstructions sa kalye at gayundin sa flood-prone areas.

Sinabi naman ni Fugoso na ang kanyang mga kawani ay naghanda na ng food packs at hygiene kits para sa posibleng distribusyon sakaling kailanganin nang ilikas ang mga maapektuhang residente ng lungsod.

Sa bahagi ni Diokno, may sapat na personnel na naikalat na upang tiyakin na maayos ang daloy ng trapiko. (JULIET PACOT/JESSE KABEL RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment