(NI NOEL ABUEL)
DAHIL sa dumaraming bilang ng mga nasasawi sa pagkalunod sa panahon ng summer season ay oobligahin na ang mga may-ari ng resorts at swimming pool sa buong bansa na magkaroon ng kuwalipikadong lifeguards.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, panahon nang kumilos ang mga resort owners na hindi lang ang pagkita ng malaking halaga ang isipin tuwing panahon ng bakasyon kung hindi maging sa pagtitiyak na napatatakbo ito, ayon sa itinatakda ng World Health Organization standards.
Aniya, base sa datos ng Philippine National Police (PNP), sa kasalukuyang taon, 56 na ang mga nasawi mula noong Holy Week at 45 sa mga ito ay namatay dahil sa pagkalunod.
Dahil dito ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. (SBN) 997 na naglalayong maituwid at mabigyang-halaga ang pagkakaroon ng lifeguard sa mga swimming pools at dagat.
Sa ilalim ng SBN 997, oobligahin ang bawat public swimming pool na magkaroon ng isang kuwalipikadong lifeguard na accredited ng DoH kada 250 metro ng nasabing paliguan.
Gayundin, ang lahat ng pool operators ay kinakailangang makakuha ng sertipikasyon at sapat na dokumento mula sa local government unit (LGUs) na magpapatunay na mayroong lifeguards ang mga ito.
“Taun-taon na lang may mga nalulunod at namamatay dahil kulang o walang kakayanan ang mga pool facilities na sagipin at iligtas ang mga biktima. It is high time that these very preventable deaths are stopped,” sabi pa ni Gatchalian.
116