(NI MINA DIAZ)
MAHIGPIT na binabantayan ng mga pulis ang Office of the City Treasurer pagkatapos selyuhan ang loob ng silid kung saan itinago ang mga balota na gagamitin sa May 13 polls.
Nilagyan din ng selyo ang pintuan ng opisina at kinadenahan sabay ng paglalagay ng dalawang kandado bilang patunay na ang mga balota ay magiging maayos sa loob ng naturang opisina ni Atty. Chris Teodoro.
Sinabi ni Teodoro na kaugnay sa kahon ng balota na nasira ang selyo, naipasa na nila ang observation report sa Comelec at hinihintay pa nila ang sagot ng komisyon.
Aniya, payo ng Comelec Manila na itala lahat ng obserbasyon at ipasa sa kanila.
Sa ngayon lahat ng kahon ng balota ay selyado sa loob ng opisina.
Pinayagan naman ng City Treasurer’s Office ang ilang kinatawan ng mga kandidato na saksihan ang pagseselyo ng kuwarto kung saan maging ang isang pintuan na nagsisilbing lagusan sa kabilang opisina ng Treasury ay isinara na rin at sinelyuhan.
Ayon naman kay Marilyn Berano, kinatawan ni dating Dist 4 Councilor Luisito Chua, nilagyan ng plywood ang nasabing lagusan, sinelyuhan at kasama silang pumirma.
Nakatakdang dalhin sa mga polling precincts sa Maynila ang mga balota sa May 13 bandang alas-12:00 ng madaling araw.
Sa ngayon, dalawang pulis ang itinalaga sa pintuan ng Treasurer’s Office na magbabantay ng 12-oras na may dalawang shift.
125