(NI BERNARD TAGUINOD)
IMINUNGKAHI ng isang minority congressman na sanayin din ang mga Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Cadets sa disaster management upang makatulong ang mga ito sa panahon ng kalamidad.
Ginawa ni House assistant minority leader Salvador Belaro Jr., ang mungkahi sa gitna ng sunud-sunod na lindol na naranasan sa iba’t ibang panig ng bansa sa mga nakaarang mga araw.
“Kasama rin dapat ang disaster management sa mga itinuturo sa ROTC. Iyang ROTC, hindi iyan dapat puro martsa at pagbibilad sa araw. Civic duty and responsibility dapat ang focus niyan,” ani Belaro na vice chairman ng House committee on higher and technical education.
Noong Pebrero ay pinagtibay na ng Kamara sa ikalawang pagbasa na gawing mandatory ang ROTC kaya hindi pa ito naipapatupad sa lahat ng mga eskuwelahan sa bansa.
Sakaling maging ganap na batas ang nasabing panukala ay ipatutupad ito sa Senior High School o Grade 11 at 12 para maibalik umano sa kabataan ang mga pagmamalasakit at pagmamahal sa bayan.
Gayunpaman, marami pa ring mga eskuwelahan ang mayroong ROTC na ang karaniwang ginagawa umano pagbibilad sa araw at pagmamartsa bilang kanilang training.
Naniniwala ang mambabatas na malaki ang maitutulong ng mga ROTC cadets pagdating sa pagtulong sa mga biktima ng mga kalamidad kapag nasanay ang mga ito ng maayos.
Lalong kailangan na kailangan umano ito ngayon dahil hindi lang ang lindol ang problema ng bansa kundi mga bagyo na habang tumatagal ay kapansin-pansin na palakas ng palakas.
“Kasama dapat ang first aid training sa disaster management modules anuman ang grade level sa paaralan,” ayon pa sa mambabatas.
227