Sa Degamo murder KATOTOHANAN ‘DI MATANGGAP NI REMULLA

(RUDY SIM)

TILA hindi umano matanggap ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang katotohanan sa malagim na Pamplona massacre na ikinamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ito ay matapos ang magkakasunod na pagbawi ng testimonya ng apat sa 11 suspek sa nasabing krimen na nagdidiin kay Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Sinabi ni Remulla na kumpiyansa pa rin ang DOJ na maipapanalo nila ang isinampang kaso ng National Bureau of Investigation laban kay Teves sa kabila ng pagbaliktad sa naunang testimonya ng apat na suspek at pagsisiwalat ng mga ito na sila’y nakaranas ng pananakot, tortyur at banta sa kanilang pamilya kung hindi susundin ang kagustuhan umano ng mga pulis na ituro si Teves bilang mastermind.

Agad naman umanong nakarating ang report kay Teves kung saan ay ikinalungkot ng kongresista ang takbo ng justice system ngayon sa ating bansa na may kulay pulitika at maging ang mga pobreng suspek ay nadadamay upang mabaluktot ang katotohanan.

Inusig umano ng konsensya kaya lumabas ang matapang na pagsisiwalat ng isa sa mga suspek na si Osmundo Rivero na siya ay tinakot kaya itinuro si Teves na siyang mastermind. Ang totoo aniya ay hindi nito nakita kailanman o kilala si Teves.

Matatandaang naunang humingi ng saklolo ang abogado ng mga suspek sa Commission on Human Rights (CHR) na si Atty. Toby Diokno dahil umano sa pananakot, panunuhol at witness tampering upang ituro ang kongresista na siyang nasa likod ng pagpatay kay Degamo.

Inalmahan naman ni Atty. Ferdinand Topacio ang pagiging matakaw aniya sa publicity ni Remulla at sa pagbibigay ng maling impormasyon sa publiko noong March 31 na tapos na ang boksing pero natagalan pa ang pagsasampa ng kaso na pinaniniwalaang minaniobra pa upang idiin ng mga naarestong suspek si Teves.

Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Topacio na magiging patas ang timbangan ng katarungan upang lumabas ang katotohanan sa kaso ni Teves at mapanagot kung sino ang tunay na may sala.

103

Related posts

Leave a Comment