(BERNARD TAGUINOD)
MARAPAT na alisan ng Value Added Tax (VAT) ang tinapay, asukal, delata at iba pang pagkain at kailangan ng bawat pamilyang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Giit ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na nais isulong ang panukalang batas para ilibre sa 12% VAT ang mga nabanggit na produkto.
Sinabi ng mambabatas na kahit anong pagtitipid ang ginagawa ngayon ng mga tao, lalo na ang mahihirap ay hindi pa rin nila kinakaya ang presyo ng mga pagkain at iba pang pangangailangan.
“Removing the 12% VAT on basic goods consumed by poor families on a regular basis will dramatically ease their economic suffering amid skyrocketing prices,” pahayag ng mambabatas sa kanyang House Bill (HB) 5504.
Bukod sa tinapay, asukal at delata ay nais din ng mambabatas na malibre sa VAT ang instant noodles, biscuits, mantika, asin, sabong panlaba, uling, kandila at lahat ng mga gamot na klinasipika ng Department of Health (DOH) bilang ‘essential medicines”.
Inihalimbawa ng mambabatas ang asukal na kung P100 ang presyo ng kada kilo ay makatitipid ang mga tao ng P12 kapag inilibre ito sa nasabing buwis.
Mas kailangang iprayoridad aniya ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang ito sa halip na ang pagbabalik ng mandatory ROTC dahil kailangan ng mga tao ngayon ang tulong.
“Anomang mawawala sa koleksyon ng gobyerno sa ilalim ng panukalang VAT exemption na ito ay madali namang mababawi kung magpapataw tayo ng wealth tax sa kita ng pinakamayayamang Pilipino,” dagdag pa ni Brosas.
232