HINDI dinadaluhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga importanteng pulong sa Department of Agriculture (DA) kung saan siya ay Secretary.
Ito ang inamin ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban sa pagtatanong ni Northern Samar Rep. Paul Daza sa pagdinig ng House committee on appropriation sa budget ng ahensya sa susunod na taon.
Sa dalawang group meeting umano ng ahensya na kanilang ginawa sa nakaraang anim na buwan ay hindi dumalo si Marcos kaya tanging top officials ang nagpulong.
Gayunman, nilinaw ni Panganiban na nakikipagpulong siya kay Marcos sa Malacañang dalawang beses kada linggo kaya alam umano ng Pangulo ang nangyayari sa loob ng ahensya.
“I think that’s one glaring problem. There are the disadvantages of having the president lead the department. For a department with so many issues and problem, I don’t think it’s good governance personally,” ayon pa sa mambabatas kaya dapat magtalaga aniya ang Pangulo ng permanenteng secretary ng DA.
Sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na hindi prayoridad ni Marcos ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura dahil napakaliit ang pondong ibinigay sa ahensya na umaabot lamang ng P105.91 billion o katumbas lang ng 1.84% sa P5.768 trillion pambansang budget.
Kakarampot aniya ito kumpara sa P229.93 billion ng Department of National Defense (DND), P197.73 ng Philippine National Police (PNP) at P821.10 billion ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Mas malaki rin ang travel expenses ni Marcos sa susunod na taon na umaabot sa P1.4 billion kaysa fuel subsidy ng mga magsasaka at mangingisda na bibigyan lang ng P1 billion at pautang na P828.72 million.
Naliliitan din ang mambabatas sa P30.9 bilyong pondo ng National Rice Program at P9 billion para sa buffer stocking ng National Food Authority (NFA).
“We demand a budget that truly supports the needs of our farmers and strengthens our local agriculture industry. It is time for the government to prioritize the welfare of our farmers and ensure food security for the Filipino people, amid the rising prices of rice and basic goods,” ani Brosas.
(BERNARD TAGUINOD)
198