Sa kawalang aksyon ng Marcos admin PINOY PINAPATAY SA GUTOM AT KAHIRAPAN

UNTI-UNTING pinapatay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa gutom at kahirapan ang sambayanang Pilipino dahil sa kawalang aksyon nito sa problema ng mga magsasaka at hinahayaang mamayagpag ang mga tiwaling negosyante.

Ginawa ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo ang pahayag matapos lumobo sa 3.4% ang inflation rate noong Pebrero mula sa 2.8% noong Enero kung saan sa lahat ng mga bilihin ang bigas ang pinakamataas sa paglobo ng presyo.

Sa pinakahuling report ng Philippine Statistics Authority (PSA), umaabot sa 23.7 percent ang inflation sa bigas kaya nahila nito pataas ang presyo ng iba pang bilihin.

“Walang ibang dapat sisihin sa highest rice inflation kundi si Marcos. Matagal nang namayagpag ang mga malalaking trader, kartel, hoarder, maging ang mga smuggler, na mag-profiteering at i-dikta at ang mga presyo ng bigas sa mga palengke,” ani Estavillo.

“Sa ngayon, hindi abot-kaya ang bigas at pinakamababa ang P55 kada kilo at walang kongkretong solusyon para resolbahin ito. Pinapatay sa kagutuman at kahirapan ni Marcos ang mamamayang Pilipino laluna ang maralitang konsyumer kaya dapat magkaisa tayo para kontrahin ito,” dagdag pa ni Estavillo.

Dahil dito, dapat aniyang singilin si Marcos dahil imbes tutukan ang problema ng mga magsasaka at seryosohin ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura ay patuloy nitong inaasa sa importasyon ang pagkain subalit hindi naman ito mapababa ang presyo ng bigas.

Kamakailan lamang ay lumagda si Marcos sa kasunduan sa Vietnam para mag-supply ng bigas sa Pilipinas sa loob ng 5 taon na indikasyon na walang plano si Marcos na maging self-sufficient ang bansa sa susunod na kalahating dekada.

“Sapat na subsidyo sa pagsasaka, at pagpapatigil sa import liberalization. Ito ang solusyon sa krisis sa bigas at pagkain at pagkakaroon ng karapatan sa pagkain ng mamamayan, food security at self-sufficiency ng bansa,” ani Estavillo.

Samantala, nagpatawag naman ng imbestigasyon ang Makabayan Bloc sa Kamara sa epekto ng El Nino phenomenon na pinangangambahang magpapalala sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain.

Sa House Resolution (HR) 1627 na inakda ng Makabayan Bloc, umaabot na umano sa 14.601 metric tons ng palay ang nawala dahil sa El Nino na nakaapekto na sa may 7, 688 magsasaka sa bansa.

(BERNARD TAGUINOD)

79

Related posts

Leave a Comment