Sa pagkamatay ng model-businesswoman 2 SENIOR ARMY OFFICER, 5 PA SASALANG SA COURT MARTIAL

DALAWANG Philippine Army senior officials at limang iba pa na isinasangkot sa pagpatay sa Davao City-based model-businesswoman ang isasalang na sa general court martial proceeding ngayong linggo.

Ito ay matapos aprubahan ni Army Commanding General Lt. Gen. Romeo S. Brawner, Jr. ang isasampang administrative charges laban sa mga akusado na inirekomenda nang litisin sa ilalim ng

General Court Martial na pangungunahan ni Court President, MGen. Jose Eriel M. Niembra, kasalukuyang 10th Infantry Division Commander at naging kasapi rin ng Presidential Security Group.
Una rito ay tinapos ng Philippine Army ang pagrebisa sa administrative liability nina BGen Jesus Durante III, Col. Michael Licyayo at ng limang enlisted personnel kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Yvonette Chua Plaza noong nakalipas na December 29, 2022, sa labas lamang ng kanyang tinutuluyang bahay sa Davao City.

Agad ipinag-utos na ilipat sina Durante III at Licyayo sa Eastern Mindanao Command (EASTMINCOM) headquarters sa Camp Panacan, Davao City kung saan gaganapin ang administrative military proceeding na inaasahang masisimulan ngayong araw.

Mahaharap ang mga nabanggit na military officials at enlisted personnel sa paglabag sa Article of War 96, (which refers to conduct unbecoming of an officer and a gentleman), at paglabag sa Article of War 97 (which refers to all disorders and neglects to the prejudice of good order and military discipline and all conduct of a nature to bring discredit upon the military service).

Ang lima pang isinasangkot sa pagpatay kay Plaza na sina Staff Sergeants Gilbert Plaza at Delfin Sialsa Jr.; Corporal Adrian Cachero; at Privates First Class Rolly Cabal at AWOL na si Romart Longakit ay haharap sa paglilitis sa Army 10th Infantry Division.

Ang general court-martial ang siyang pinaka mataas na antas ng trial court na lilitis sa hanay ng militar na sangkot sa alleged serious crimes.

“It will look into the administrative aspect of the case and will be conducted parallel to the trial by a civilian court,” paliwanag ni Col. Xerxes Trinidad, spokesperson ng Hukbong Katihan ng Pilipinas.

Una nang inihayag ni Gen. Brawner na binigyan na ng kopya ng reklamo sina Durante at Licyayo, na kapwa sinibak na sa kanilang pwesto bilang commander at deputy commander ng 1001st Infantry Brigade.

Habang kasong murder, theft and obstruction of justice naman ang isinampa sa civilian court noong Enero laban sa mga suspek. (JESSE KABEL RUIZ)

130

Related posts

Leave a Comment