(NI LILIBETH JULIAN)
SARILING pasya na ni National Youth Commission chief Ronald Cardema kung papatulan nito ang panawagan na magbitiw sa puwesto kasunod ng pahayag na tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng lumalahok sa mga kilos protesta laban sa pamahalaan.
Ito ang reaksyon ni Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo mula sa mga naglabasang hamon dito na bakantehin ang puwesto.
“Desisyon nya yan, kung sa palagay ni Cardema ay karapat-dapat pa siya sa puwesto, manatili na muna siya sa kanyang posisyon. Pero kung sa tingin naman nya, nakabigat na siya sa administrasyon dahil sa kanyang mga pahayag ay dapat alam na nya ang susunod niyang gagawin,” wika ni Panelo.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Panelo si Cardema na magpaturo na lamang kay dating NYC chair Aiza Seguerra.
Una nang nagpahayag ng pagkontra si Pangulong Rodrigo Duterte sa mungkahi ni Cardema na alisan ng scholarship ang mga estudysnteng sumasama sa mga rally kontra gobyerno.
Iminungkahi ni Cardema kay Pangulong na maglabas ng executive order para tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng madalas sumama sa mga rally.
Pero nilinaw naman din ng Pangulo na maaring matanggalan ng scholarship ang mga estudyante kapag napatunayang sumuporta o umanib na ang mga ito sa rebeldeng New People’s Army (NPA) o komunistang grupo.
129