SAHOD NG GABINETE TUMAAS NG 570% SA 20 TAON 

salary12

(NI BERNARD TAGUINOD)

KUNG mayroong pinakamasuwerteng state workers, wala ng tatalo sa mga miyembro ng Gabinete dahil tumaas ng 570% ang kanilang sahod sa nakaraang halos dalawang dekada.

Ito ang nabatid sa ACT Teachers party-list group bilang pagtatanggol sa hinihinging umento sa mga public school teachers na tila kinontra umano ng Department of Education (DepEd).

Ayon sa grupo na kinakatawan nina Reps. France Castro at Antonio Tinio, mula taong 2000 ay tumaas ng 570% ang sahod ng mga miyembro ng Gabinete dahil ang dati nilang sahod na P38,500 ay naging P257,809 ngayong 2019.

Mas malaki naman ang itinaas ng sahod ng Pangulo na umaabot sa 606% dahil noong 2000 ay P50,000 kada buwan lamang ito subalit ngayong 2019 ay naging P388,096 na.

Ginawa ng grupo ng mga nabanggit na mambabatas ang pahayag dahil ipinamumukha umano ni Education Secretary Leonor Briones na patuloy na tumataas ang sahod ng mga public school teachers.

Sinabi ni Joselyn Martinez, ACT National Chairperson, na bagama’t totoo na tumaas ang sahod ng mga public school teachers na umabot sa 119%  mula noong 2000 ay masyado pa rin aniyang mababa ang tinatanggap ng mga ito kumpara sa mga miyembro ng Gabinete at iba pang matataas na opisyales ng gobyerno.

Sumasahod lamang aniya ng mahigit P20,000 ang isang teacher 1 na malayong-malayo aniya sa cost of living na mahigit P23,000 kaya  humihingi ang mga ito ng P10,000 umento.

Baryang-barya umano ito sa sinasahod ng mga miyembro ng Gabinete tulad ni Briones subalit tila pinagkakaitan anila ang mga public school teacher matapos ikatuwiran na kailangan ng P150 billion para maibigay ito.

Sinabi ni Tinio na kung nakaya ng gobyerno na doblehin ang sahod ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay walang dahilan para hindi iangat ang antas ng pamumuhay ng mga public school teachers.

 

97

Related posts

Leave a Comment